32,999 total views
Tiniyak ng drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila na “SANLAKBAY para sa Pagbabagong Buhay” ang patuloy na pagpapalaganap ng kamalayan para tuluyang masugpo ang suliranin ng droga.
Ayon kay SANLAKBAY Priest-In-Charge Rev. Fr. Roberto Dela Cruz, patuloy ang pagsusumikap ng Simbahan na masugpo ang problema ng illegal na droga sa bansa partikular na ang pagtulong sa mga nalulong.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Fr. Dela Cruz sa banal na misa para sa ika-pitong anibersaryo ng drug rehabilitation program ng arkidiyosesis na ginunita kasunod ng Drug Abuse Prevention and Control Week na alinsunod sa Presidential Proclamation No. 124, s. 2001 ay ginugunita tuwing ikatlong linggo ng buwan ng Nobyembre.
“Napakahalaga ng mga pamamaraan upang huwag mawala sa ating kamalayan ang tungkol sa pagsugpo sa addiction lalo na sa ipinagbabawal na gamot.hindi tayo pwedeng maging kumportable dahil alam naman natin na maging sa panahon ngayon ay talamak pa din ang ipinagbabawal na gamot, ang bentahan lalo na ang adiksyon.” mensahe ni Fr. Dela Cruz.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Pari sa lahat ng mga grupo, indibidwal, institusyon at iba pang benefactors na sumusuporta sa misyon ng drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila para sa paggabay sa pagbabagong buhay ng mga nalulong sa illegal na droga.
Nagpasalamat din si Fr. Dela Cruz sa mga alagad ng batas lalo’t higit sa mga kumikilala at sumusuporta sa pagsusumikap ng SANLAKBAY na tugunan ang problema ng illegal na droga sa bansa.
Partikular namang pinasalamatan at kinilala ng Pari ang mga dating drug dependents na piniling ibigin ang kanilang sarili, at ang kanilang pamilya na nagsumikap na magbagong buhay at tuluyang talikuran ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Pinasalamatan din ni Fr. Dela Cruz, ang mga volunteer na katuwang ng Simbahan sa pagsasakatuparan ng misyon nito para sa mga naligaw ng landas at nagnanais na muling makapagsimula sa kanilang buhay.
Ang “SANLAKBAY para sa Pagbabagong Buhay” ay ang drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila na itinatag noong 2016 bilang paraan ng pagtugon ng Simbahang Katolika sa suliranin ng pagkalulong sa illegal na droga ng ilang mamamayan.
Itinatag ang SANLAKBAY sa ilalim ng pamumuno ng noo’y arsobispo ng Maynila na si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang tugon na rin sa madugong implementasyon ng war on drugs ng dating administrasyong Duterte.