304 total views
Hindi pa rin lubos ang kasiyahan ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña hangga’t may mga bihag pa ring hawak ang Maute-Isis group.
Sa ulat, hindi bababa sa 40 ang nanatiling bihag ng mga terorista sa loob ng may 5 buwang digmaan sa Marawi City.
Ayon pa sa Obispo, may dalawa pang manggagawa ng St. Mary’s Cathedral ang bihag pa rin ng Maute.
“We got the number na anim lang talaga ang nakuha sa amin sa cathedral compound, the rest ay mula sa Dansalan College while the siege is going on we did not have in any way of checking kung ilan talaga,” ayon kay Bishop Dela Peña sa programang Veritas Pilipinas.
Bukod kay Fr. Chito Suganob- ang vicar general ng Prelatura ng Marawi, kabilang din sa mga nakatakas at nabawi ng militar ang kanilang parish secretary, pangulo ng parish pastoral council at isa pang opisyal ng kanilang simbahan na pawang mga nakatatandang babae.
Mula sa 300 libong populasyon ng Marawi City, higit lamang sa 2,000 sa mga ito ang mga katoliko.
Ang prelatura ay binubuo ng walong simbahan at kapilya na pinangangasiwaan ng pitong mga pari.
Hangad din ng obispo na matapos na sa lalung madaling panahon ang digmaan upang masimulan na ang rehabilitasyon at reconstruction ng mga bahay at gusali sa Marawi.
“We will just wait, until it’s over,” dagdag pa ng Obispo.
Naniniwala rin si Bishop Dela Peña na ang digmaan at kaguluhan ang isa sa dahilan kung bakit maraming lugar sa Mindanao region ang nanatiling mahirap.
Base sa 2015 report, kabilang sa 10 pinakamahihirap na lalawigan sa bansa ay mula sa Mindanao Region, nangunguna dito ang Lanao Del Sur na matatagpuan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.