383 total views
Magkakaroon lamang ng ganap na kalinawan sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos matapos ang nakatakdang halalan sa naturang bansa.
Ito ang ibinahagi ni Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, kaugnay sa nakatakdang halalan sa Estados Unidos at mga naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa America.
Ipinaliwanag ni Casiple na malilinawan lamang ang relasyon ng dalawang bansa, matapos itong muling suriin at mapag-aralan ng susunod na administrasyon ng Estados Unidos.
“Siyempre may epekto yan, masi-settle yan after siguro yung bagong Presidente ng Amerika ay maglilinawan uli kung ano ba talaga yung relasyon natin, kung makikita mo yung reaksyon ng US Embassy at saka ng State Department mismo hihingi sila ng clarification. Iyon yung proper forum para maglinawan kung ano ba talaga,”pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa datos, tinatayang nasa 4.7-bilyong dolyar ang US direct investments ng Estados Unidos sa Pilipinas, habang tinatayang aabot naman sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino migrants sa Amerika na sinasabing pang-apat sa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2013.
Kaugnay nito, una na ring nanawagan sa pamahalaan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na palagiang ikonsidera at tiyakin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Filipino sa lahat ng mga desisyon nito sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga bansa.