337 total views
Nararapat ng antabayanan ang magiging kalinawan sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos matapos na maihalal ang bagong Pangulo ng US.
Ito ang ibinahagi ni Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, kaugnay ng pagkakahalal kay President Elect Donald Trump sa katatapos na eleksyon sa Amerika.
Paliwanag ni Casiple, magkakaroon lamang ng kalinawan sa ugnayan at relasyon ng dalawang bansa, matapos itong muling suriin at mapag-aralan ng susunod na Administrasyon ng Estados Unidos sa susunod na taon.
Kaugnay nga nito nauna ng nagpahayag ng pagnanais si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na makatrabaho ang bagong halal na pangulo ng America.
Sa kasalukuyan batay sa datos tinatayang nasa 4.7-bilyong dolyar ang US direct investments ng Estados Unidos sa Pilipinas, habang tinatayang aabot naman sa 1.8-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa America na sinasabing pang-apat sa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2013.
Una na ring nanawagan sa pamahalaan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na palagiang ikonsidera at tiyakin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Filipino sa lahat ng mga desisyon nito sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga bansa.