512 total views
Kumpiyansa ang pinuno ng Mababang Kapulungan na nanatiling matatag ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ayon kay House Speaker Martin Romualdez matapos ang pulong sa pagitan ni US President Joe Biden at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Huwebes ng umaga (oras sa America).
Si Romualdez ay nasa Estados Unidos at kabilang sa delegasyon ng Pilipinas sa United Nations General Assembly, at kasama rin ng pangulong Marcos Jr. sa pulong sa pagitan ni President Biden.
Dagdag pa ng mambabatas, ang US ang major partner and ally ng Pilipinas lalo sa sektor ng ekonomiya, defense, cultural at pamumuhunan.
“I can see the meeting fostering an improved bilateral partnership in those areas,” ayon kay Romualdez.
Nakikiisa rin si Romualdez sa panawagan ng pangulo sa mga negosyante sa Amerika nang higit pang pamumuhunan sa Pilipinas.
“We need more investments to create jobs and income and improve the lives of our people,” ani Romualdez.
Kabilang sa mga maaring paglagakan ng negosyo sa bansa ang mga pabrika, mga riles ng tren, imprastraktura at ang private-public partnership projects.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, kabilang sa mga bansang may direct foreign investment ay ang Singapore, Japan, Estados Unidos at ang The Netherlands.
Dagdag pa ni Romualdez, “We have to attract more foreign capital because we are a bigger market than other smaller nations in our region.”