276 total views
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang dapat ikabahala sa relasyon ngayon ng Pilipinas at Amerika matapos ang kontrobersyal na pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa relasyon ng dalawang bansa.
Ayon kay DFA spokesman at assistant secretary Charles Jose, nais lamang ng Pangulo na palawakin ang pakikipagrelasyon nito sa iba pang mga kapitbahay na bansa sa Asya maliban sa Estados Unidos na may mutual defense treaty na kailangang pahalagahan ng magkabilang panig.
“Meron tayong treaty alliance with the US noong 1951 mutual defense treaty, pinahahalagahan nila ang kanilang treaty obligation and commitment with the Philippines para sa ating security and defense, hindi na tayo masyadong dependent sa US as before, self reliant tayo kaya natin tumayo sa ating sarili. Yung independent foreign policy, ang sitwasyon ay ang national interest ang mahalaga, in terms of economic interest, sa ating palagay mas makabubuti sa ating economy kung ibo-broaden ang ating horizon at makakapag-established tayo ng economic relations with different countries, gusto natin maging equal ang lahat ng pakikitungo ng ating bansa, ”pahayag ni Jose sa panayam ng Radyo Veritas.
Tiniyak din ng DFA spokesman na nananatiling matibay ang relasyon ng dalawang bansa gaya na rin ng pagtiyak ni Daniel Russel, assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs nang mag courtesy call it okay DFA secretary Perfecto Yasay.
“Nag-courtesy call siya kay secretary Yasay, ang mahalagang mensahe ni Russel para sa akin ay yung pinahahalagahan ng US ang relations with the Philippines. Gusto nila na makita natin ang US bilang isang trusted partner at reliable ally, gusto nilang makipagtulungan sa atin para matiyak na mananatili ang ating relationship bilang isang matatag at malakas na relationship yun ang importante na mensahe niya para sa atin,” ayon pa kay Jose.
Una ng inihayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na tututok lamang ang Pilipinas sa regional integration sa mga bansa sa Asya kabilang ang China sa pamamagitan ng rebalancing at hindi separation ang nais nito sa Amerika.
Sakaling masira ng tuluyan ang relasyon ng US at ng Pilipinas, nasa 3.4 milyon ang mga Filipino na nasa Amerika na magsasakripisyo lalo na at malaki ang kontribusyon nila sa ekonomiya ng bansa kung saan nitong first quarter ng 2016 nasa $11.9 bilyon ang personal remittance ng mga Overseas Filipino Workers.
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran, kinakailangan ang pagkakaisa ng mga bansa at ng bawat mamamayan para na rin sa kapakinabangan ng nakararami.