174 total views
Nagpapatuloy ang relief operations ng Archdiocese of Tuguegarao Cagayan sa mga nasalanta ng Super Typhoon Lawin nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Rev. Fr. Augustus Calubaquib, social action center director ng archdiocese, nagmula sa ibat-ibang institusyon gaya sa Archdiocese of Manila-Caritas Manila, Order of Malta at iba pa ang relief na kanilang ipinapamahagi.
Sinabi ng pari na prayoridad nilang binibigyan ang mga lugar na labis na nasalanta na hindi pa naaabutan ng tulong ng pamahalaan gaya ng Sinundungan Valley na isolated ngayon.
Pahayag ni Fr. Calubaquib, mismong si archbishop Sergio Utleg ang nangalap ng pondo para sa mga biktima na karamihan nasira ang mga bahay lalo na sa limang barangay sa Sinundingan Valley.
“Yung sa relief kasalukuyang nagpapatuloy merun nagmumula sa ibang religious organization gaya sa Archdiocese of Manila thru Radyo Veritas at Caritas Manila, sa Order of Malta, Andres Tamayo Foundation at iba pa, isang pharmaceutical company nagbigay ng 1,000 relief packs, ang 900 packs dadalhin ngayon sa Sto. Nino town at ang 100 packs sa Alcala. Nagpadala kami kahapon ng tulong sa isang lugar na isolated ang Sinundungan Valley, si archbishop na ang nag re-raise ng funds para sa lugar, kais kahit government hindi makapaosk, 5 barangay ang totally devastated ang lugar,” ayon kay Fr. Calubaquib sa panayam ng Radyo Veritas.
Nasa P300,000 naman ang ibinigay ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Caritas Manila sa Cagayan habang ang NASSA-Caritas Philippines ay nagbigay paunang P1.6 milyon sa Apostolic Vicariate ng Tabuk sa kalinga at sa Isabela.
Sa pananalasa ng Super Typhoon Lawin, sa latest record ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mahigit sa 1.2 milyong indibidwal mula sa 6 na rehiyon sa Luzon ang naapektuhan habang nasa higit P10-Bilyon ang halaga ng mga nasira sa agrikultura at imprastraktura.