208 total views
Lalo pang pinag-iibayo ng mga Catholic school ang pagtuturo ng values education kung saan napapaloob ang good manners and right conduct o GMRC na isinusulong ng Department of Education.
Ayon kay Rev. Fr. Nolan Que, National Capital Region Trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines o CEAP, patuloy na pinagyayabong ng mga Catholic School ang pagtuturo ng Pagpapahalaga sa kapwa, Paghuhubog sa pagkatao ng kabataan sa pamamagitan ng Christian Religious Formation.
“Actually meron na po talaga sa curriculum natin coming from DepEd ang values education, pero po sa ating mga catholic schools its more than values education because we have christian religious formation.” pahayag ni Fr. Que sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na hiniling ng CEAP sa Department of Education na payagan ang pagpapatuloy ng religious education sa bawat Paaralan sa Bansa na layong maturuan ang mga kabataan ng Pakikipagkapwa tao, at mapalalim ang Pananampalataya bilang mga pundasyon sa paghubog ng pagkatao ng bawat bata.
Sa panukala ng DepEd na asignaturang GMRC, layunin nitong maturuan ang mahigit sa 27 – milyong mag-aaral sa ilalim ng K – 12 program ng mabuting asal upang mahubog ang mga kabataan na magiging kinakabukasan ng Bayan.
Sa Panlipunang katuruan ng Simbahan itinuturing ang Edukasyon bilang unang hakbang tungo sa pag-unlad ng bawat mamamayan.