332 total views
Pansamantalang suspendihin ng Archdiocese of Jaro simula Hunyo 13, 2021 ang pampublikong misa dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus sa Iloilo.
Ito ang tugon ng arkidiyosesis bilang pakikiisa sa kampanyang labanan ang pagdami ng kaso ng mga nahawaan sa lugar.
Nagpahayag si Archbishop Jose Romeo Lazo ng pagkabahala sa tumataas na kaso ng nahawaan kaya’t minarapat nitong limitahan ang gawain ng simbahan na may physical attendance.
“In as much as the Church needs to nurture the faithful with the Sacrament of the Eucharist, we are also deeply concerned about the increased number of COVID-19 positive in our city,” pahayag ni Archbishop Lazo.
Ito rin ay tugon ng arsobispo sa Executive Order na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Iloilo kung saan pahihintulutan ang 10 porsyentong kapasidad sa religious gatherings.
Kaugnay dito, mahigpit na paalala ni Archbishop Lazo sa mga parokya ang 10 percent capacity sa mga pagdiriwang nitong June 11 sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal banalang Puso ni Hesus at June 12 sa kapistahan ng Kalinis linisang puso ni Maria.
Paalala rin nitong mahigpit sundin ang maximum health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at pahintulutan lamang ang isang indibidwal na dumalo sa misa kung may quarantine pass.
Batay sa tala ng pamahalaan ng Iloilo City nasa 3, 995 ang kaso ng nahawaan ng COVID-19 sa lungsod kung saan 2, 166 ang aktibong kaso habang 85 ang nasawi.
Hinimok ni Archbishop Lazo ang mananampalataya na paigtingin ang pananalangin sa Panginoon para sa proteksyon at gabay mula sa nakahahawang virus.
“Let us continue to pray for each other and work for the common good of all; and let us intensify our fervent prayer to God, as we also invoke the strong intercession of our Blessed Mother, Nuestra Señora dela Candelaria, to end the pandemic in our community. May the Sacred Heart of Jesus & the Immaculate Heart of Mary be for us a source of hope and strength to endure and move on,” ani ng arsobispo.