252 total views
Marami sa ating mga kababayan, kapanalig, ang tingin sa pag-a-abroad ay sagot sa lahat ng kahirapang dinadanas ng kanilang pamilya. Marami sa atin, naniniwalang pag may nag-abroad sa pamilya, giginhawa na ang buhay. Ito ang karaniwang nagiging pag-asa ng maraming pamilyang Filipino.
Hindi natin masisi ang ating mga kababayan sa paniniwalang ito. Lalo ngayon kung kailan napakataas ng mga bilihin sa ating bansa. Umabot na nga ng 8.6% ang inflation rate natin noong Pebrero. Damang dama ng marami ang pagtaas ng bilihin. Noong nakaraang taon, nasa 3% lamang ang inflation natin ng parehong buwan.
Kaya nga’t ang remittances ng ating mga OFWs ay parang lunas sa sakit – ginhawa sa patang katawan at isip. Noong Disyembre 2023, umabot sa $36.14 billion ang padala nila – napakalaki nito kapanalig, mas malaki pa sa halaga noong 2021 na $34.88 billion. Napakalaking ambag nito sa ating ekonomiya at sa budget ng mga kabahayan.
Kaya lamang kapanalig, kahit gaano kalaki pa ang padala ng mga OFWs, marami pa ring mga Filipino ang mahirap. Sa katunayan, nasa 18.1% ang poverty incidence sa ating bayan. Milyon milyon pa rin ang mahirap kahit bilyon pa ang padala ng mga bagong bayani.
Hindi sapat kapanalig, ang magpadala ng magpadala ng mga manggagawang Filipino sa ibang bansa para lamang umusad ang buhay ng mga naiwan dito sa ating bayan. Kailangan din na maisa-ayos natin ang sitwasyon ng ating mga lokal na manggagawa upang mas maging stable o matatag ang kanilang trabaho dito at magkaroon pa sila ng mas maraming oportunidad para sa kanilang career advancement.
Kailangan natin maisaayos ang business environment sa ating bansa upang mas kayanin ng mga negosyante na makapag-expand at makalikha ng trabaho para sa maraming mga Filipino. Kailangan din nating buhayin ang entrepreneurial spirit ng ating mga kababayan upang mas marami ang makapagsimula ng mga negosyo upang maging buhay na buhay ang ating merkado.
Mas mura at mas madali para sa lokal at nasyonal na pamahalaan ang mag-export ng tao kaysa mamuhunan para sa kagalingan ng mamamayan. Mas matagal ang balik ng kita, ika nga. Pero kapanalig, kailangan nating gawing mas sustainable ang income ng mga mamamayan, at hindi natin maiasasa ito sa remittances ng mga OFWs. Bitin ito, marami na ring kumpetisyon, at hirap na hirap na rin ang marami sa kanila kakayod para sa maliit din naman na sahod.
Sana naman, mapansin ng pamahalaan ang problemang ito. Sabi nga sa Pacem in Terris: The government should make similarly effective efforts to see that those who are able to work can find employment in keeping with their aptitudes, and that each worker receives a wage in keeping with the laws of justice and equity.
Sumainyo ang Katotohanan.