303 total views
Naglabas ng Pastoral Message ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa pagdiriwang ng Season of Creation 2021 ngayong Setyembre na may temang “A Home for All: Renewing the Oikos of God.”
Ayon sa pahayag ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles, ang mundo ngayon ay nahaharap sa iba’t ibang panganib ng pagkasira dulot ng mga sakunang likha ng kalikasan maging ng mga tao.
Umaasa si Archbishop Valles na nawa ang taunang pagdiriwang sa Season of Creation ay maging daan tungo sa pagpapanibago ng ating mga tungkulin para sa kaligtasan at wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
“Our common home is on the brink of catastrophe. Urgent actions are needed. We hope that this Season of Creation would lead us to renew our commitment to action to ensure that all creation will have a safe and healthy home to flourish and participate in renewing the Oikos of God,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
Samantala, hinihikayat din ng pangulo ng kapulungan ang bawat isa na ipanalangin ang matiwasay at maayos na pagpupulong sa isasagawang United Nations Conference (COP15) at UN Climate Change Conference (COP26) na magkaugnay sa layuning matugunan ang ang mga suliranin hinggil sa climate change na nagiging resulta ng pagkasira naman ng biodiversity.
“Let us pray for the two important meetings that are happening this year. The UN Biodiversity Conference (COP 15) gathers nations around the world to face the problem of biodiversity loss and the UN Climate Change Conference (COP26) to address the urgency of the climate crisis,” saad ng Arsobispo.
Sa buong mundo, ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 04, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Asisi, ngunit dito sa Pilipinas ay pinalawig ito hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Ito na ang ikasiyam na taong pagdiriwang ng nasabing aktibidad dito sa bansa, kung saan kasabay naman nito ang ikaanim na taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco noong taong 2015, alinsunod sa isinasagawang pag-aalay ng panalangin ng Orthodox Church na nagsimula pa noong taong 1989.