12,254 total views
Ito ang binigyan diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kina dating Bamban Mayor Alice Guo at puganteng si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, na hindi matatakasan ang batas.
“It only proved that you can run but you cannot hide, ayon nga sa kasabihan. But eventually, the long arm of the law will catch up on you,” ayon kay Barbers.
Si Guo na nahaharap sa mga kaso kaugnay sa ilegal na aktibidad Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ay naaresto sa Indonesia at si Quiboloy na sumuko makaraan ang ilang linggong pagtatago sa KoJC compound sa Davao- na nahaharap naman sa asuntong sexual abuse at human trafficking ay kapwa nasa pangangalaga na ng otoridad.
Pinasalamatan din ng mababatas ang lahat ng mga kawani ng pamahalaan na naging bahagi sa matagumpay na pag-aresto kina Guo at Quiboloy.
Hindi naman sang-ayon si Barbers ng committee on Dangerous Drugs at lead chairman ng Quad Committee na may special treatment kay Guo ayon na rin sa paratang ng ilan.
“Kakahuli pa lang po. Siguro tingnan muna natin kung ano ang magiging development after ng pagkakahuli bago natin tingnan kung may special treatment,” paliwanag ni Barbers.
Naniniwala din si Barbers na maaring may katotohanan ang sinasabi ni Guo na mayroong banta sa kanyang buhay.
Si Guo ay isa sa pangunahing personalidad na isinasangkot sa ilegal na POGO, na siyang paksa ng imbestigasyon ng Kongreso, kasama na ang joint panel ng Kamara.
“Naniniwala po tayo na isang malaking criminal syndicate ang nasa likod nito at talagang, maaring may katotohanan, maari po ha. Maaring pong may katotohanan ‘yung sinasabi niya (Guo) na may death threat sa kaniya, dahil ito pong mga sindikato na ito hindi magdadalawang isip na i-eliminate ang mga taong makakapag-bunyag sa kanila,” ayon pa kay Barbers sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ni Barbers na base sa pagdinig ng Kamara, sina Guo at Cassandra Li Ong ang nasa likod ng pagpapatakbo ng POGO hub ayon na rin sa testimonial at documentary evidence.
Naniniwala din ang mambabatas na bukod kina Guo at Ong, ay may malaking sindikato ang may hawak sa POGO operations sa Pilipinas.
“I think it’s an international crime organization na pumasok dito sa atin, na hindi lamang POGO ang negosyo, kundi lahat ng klase ng criminal activities kagaya ng drug trafficking, human trafficking, prostitution, cyber-crime, financial scams, etc. etc. Marami po at ito ay hindi basta-basta. E, napili po itong bansa natin na kanilang pasukin, maari po kasing mayroong pumayag na sila ay pumasok number 1, at number 2, marami po sigurong na corrupt na mga kawani ng gobyerno kaya po sila ay napakaluwag na nakapasok sa atin,” ayon pa kay Barbers.