153 total views
Nanawagan ng pananalangin, pangungumpisal, pagsisisi at pagbabalik loob ng mga opisyal ng bayan si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez.
Ayon sa Obispo, magandang pagkakataon ang Mahal na Araw para sa bawat isa lalo na sa mga may matataas na katungkulan sa bayan na mapagnilayan ang kanilang ginagawang serbisyo at pagganap sa kanilang tungkuling sinumpaan.
Paliwanag pa ni Bishop Gutierrez, ang Panginoon lamang ang tanging maghuhukom sa sangkatauhan at hindi ang sinuman maging ang mga itinuturing na may kapangyarihan sa lipunan.
“this is season of Lent, the panawagan for this season of Lent is repent, return to God, pray, do penance, help specially the poor so mga beloved senators, please God will be the one who will finally judge us…” pahayag ni Bishop Gutierrez sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nanawagan ng pagkakaisa ang Obispo partikular na sa hanay ng mga opisyal ng pamahalaan na hayagan ang pagtatalo at pagpapalitan ng mga akusasyon sa publiko.
Binigyang diin ni Bishop Gutierrez na hindi nakatutulong sa pagtugon sa maraming problema sa lipunan ang paghihilahan pababa, paninira at pag-aaway away ng mga opisyal ng bayan na maituturing na pag-aaksaya lamang ang panahon na mas nararapat ilaan sa pagtugon sa mga pangunahing usaping tunay na nakaaapekto sa taumbayan.
read: http://www.veritas846.ph/let-us-work-together/
Kaugnay nga nito batay sa March 2017 Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia, ang pagpapataas sa suweldo ng mga manggagawa ang nakakuha ang pinakamataas na bahagdan sa mga nais ng mga mamamayang tutukan ng pamahalaan na may 43-porsyento, sinundan ito ng pagtaas sa halaga ng mga bilihin sa 41-porsyento at ang pagkakaroon ng mga karagdagang trabaho para sa mga manggagawa na nakapagtala ng 39 na porsyento.