1,563 total views
Iniwangis ang ugali ng bawat isa sa ipinapakitang katuruan at kabutihang loob ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ang mensahe ni Father Hans Magdurulang – Attached Priest ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa unang araw ng pagbabasbas ng mga imahen, replika at standarte ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
“Sa araw na ito, sinisimulan natin ang tatlong araw na pagbabasbas sa mga replika’t standarte ng Nazareno, ito ay magandang paalala sa atin na pag sinabing replika, kawangis, kamukha, na sana ang lahat ng deboto ang lahat ng gagawin natin ngayong kapistahan ng Nazareno ay magtulak sa atin upang maging kamukha, kalarawan ng Poong Hesus Nazareno,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Magdurulang.
Ayon pa sa Pari, mahalagang hindi lamang ito maisabuhay ng isang pagkakataon, nawa ay magsilbing inspirasyon ng mga deboto ng Nazareno na maging kawangis ng Panginoon sa pang araw-araw na pamumuhay.
Sa unang ng pagbabasbas sa mga replika at standarte, umabot sa higit 100 mga parokya, deboto at balangay ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang nakiisa sa gawain na pinangunahan nila Father Hans at Father Robert Arellano na parehong Attached Priests ng Quiapo Church.
Bilang isa sa mga unang bahagi ng paghahanda sa Traslacion 2023, magtatagal ang pagbabasbas ng tatlong araw na nagsimula ngayong December 27 at magtatagal naman hanggang December 29.