858 total views
Kapanalig, ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), at ang kasunod nito, ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER), ay tila naging hungkag na mga pangako na nagsalin salin lamang sa iba ibang administrasyon.
Ang tunay na layunin ng CARP at CARPER ay hindi pa ramdam ng mga magsasaka ngayon kahit 1988 pa naisabatas ang CARP. Magta-tatlong dekada na, ngunit bakit lalong naghirap ang mga magsasaka? Base sa opisyal na datos, consistent na mataas ang poverty incident sa hanay ng magsasaka. Nasa 38% ang poverty incidence sa kanilang hanay simula pa 2006 hanggang 2014.
Kapanalig, makikita natin na ang mga anak ng magsasaka noong 1988 ay mga adults na rin ngayon. Sa halip na matamasa nila ang benepisyo ng repormang pansakahan, lalo pa silang naghirap. Kaya nga’t marami na sa kanila ay nilisan na ang sektor. Namulat sila sa kahirapan ng pagsasaka, at marami sa kanila, iniwan na ang mga magulang na umasa sa pangako ng CARP at CARPER. Ang average age o karaniwang edad ng magsasaka ngayon ay 57. Marami sa kanila ay naghihintay pa rin sa lupang pinangako ng repormang pansakahan.
Kaya nga’t marami ang nabuhayan ng loob sa tila mabilis na pagkilos ng bagong pinuno ng Department of Agrarian Reform (DAR) ngayon. Noong Setymebre, binuo muli ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC) na sampung taon nang hindi na-convene. Ang PARC ang pinakamataas na policy decision-making body ukol sa mga usaping repormang pansakahan. Maliban pa dito, nangkaroon na ng two-year moratorium sa konberyon ng mga lupang pang-agrikultura.
Ito, kapanalig, ay isa sa mga programang dapat bigyang tuon ng pamahalaan. Ito ay sektor na lubos na napabayaan ng ilang mga administrasyon, na naging ganansya naman ng mga mayayamang nag-mamay-ari ng lupa. Sa maayos na pamamahala ng repormang pangsakahan, ramdam agad ang magiging benepisyo nito dahil anumang input sa kabuhayan ng karaniwang magsasaka ay matatamasa hindi lamang ng kanilang mga pamilya, kundi ng merkado. Mas tataas ang produksyon, at mas dadami ang magkakaroon ng trabaho.
Ang pagsusulong ng kapakanan ng magsasaka ay pagsusulong din ng panlipunang katarungan o social justice, na isa sa mga mahahalagang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan. Ito ay pinipilit nating isabuhay, kaya nga’t nasa Konstitusyon natin mismo ang mga probisyon na kumikiling sa kapakanan ng maralitang magsasaka. Ang Article XII, Section 4 ng ating Konstitusyon ay nagsasabi na “the State shall, by law, undertake an agrarian reform program founded on the right of farmers and regular farm workers, who are landless, to own directly or collectively the lands they till or, in the case of other farm workers, to receive a just share of the fruits thereof.”
Ang batas ay nagkakaroon lamang ng mas malalim na kahulugan kung ito ay napapatakbo ng maayos at nabibigyan ng benepisyo at proteksyon ang mga mamamayang nilalayon nitong pangalagaan, lalo na ang mga api at kapos-palad. Ang Rerum Novarum ay nagbibigay sa atin ng direksyon ukol dito: ang interes ng lahat ay pantay, kahit ano pa mang antas ng kanilang pamumuhay. …Isa sa mga pinakamabigat na tungkulin ng isang pinuno ay ang kumilos sa makatarungan at patas na paraan upang makinabang ang lahat ng mamamayan, mahirap man o mayaman.
Umaasa tayo ngayon na ang pagbabagng pangako ng bagong administrasyon ay mararamdaman na ng mga magsasaka. Matagal ng nabinbin ang pangako ng lupa para sa maralita. Panahon na sila naman ang mag-may-ari ng kanilang lupang sinasaka.