1,834 total views
Itinakda ng Arkidiyosesis ng Maynila ang pagdiriwang ng misa na itinalaga kay Pope-emeritus Benedict XVI na pumanaw noong Sabado, December 31.
Ang misa ay gaganapin sa Minor Basilica of the Immaculate Conception, ika-lima ng hapon sa January 6 na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Papal nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Sa inilabas na liham sirkular, inaanyayahan ang mga pari, madre at mga layko ng arkidiyosesis sa pagdalo at pakikiisa sa panalangin sa pumanaw na dating pinuno ng simbahan.
Nawa ang bawat isa, kasama ang kawan ng mananampalataya ay makiisa sa pananalangin, gayundin ang pagpapasalamat sa paglilingkod ni Benedict XVI sa pamamagitan ng pagdalo sa misa.
Kalakip din ang isang panalangin para sa yumaong si Benedict XVI sa liham na nilagdaan ni Fr. Carmelo Arada Jr.-vice chancellor ng Archdiocese of Manila.
“O God, faithful rewarder of souls, grant that your departed servant BENEDICT, who governed your church with love, may happily enjoy forever in your presence in heaven the mysteries of your grace and compassion, which he faithfully ministered on earth. Through our Lord Jesus Christ, your Son, who lives and reigns with you in the unity of the Holy Spirit, God forever and ever”.
Gaganapin ang funeral mass, ika-siyam ng umaga oras sa Roma sa St. Peter’s square na pangungunahan ni Pope Francis
Ipinababatid naman ng Holy See na ilalagak ang labi ni Pope-emeritus Benedict XVI sa kripto sa ilalim ng St. Peters Basilica.
Ang dating santo papa ay namayapa sa edad na 95, ay kasalukuyang nakahimlay sa St. Peter’s Basilica simula ngayong araw at ihahatid sa kanyang huling hantungan sa January 5-araw ng Huwebes (oras sa Roma).
Ang Vatican Crypt ay nakalaan sa mga labi ng mga pumanaw na Santo Papa, kabilang na si San Pedro Apostol.