1,053 total views
Ano ba ang resilience, kapanalig? Bakit ba lagi itong dinidikit sa ating mga Filipino? Tunay nga ba tayong resilient?
Ang resilience kapanalig, ay ang kakayahang malampasan at bumangon mula sa anumang lubhang paghihirap, problema, o krisis. Dinidikit ang katagang ito sa atin lagi dahil kada may sakuna, ang ating mga mamamayan ay hindi nagpapatalo—bumabangon agad, bumabawi agad, at nakangiti agad. Pero kapanalig, tunay ba tayong resilient?
Nitong 2021, umabot ng P61 billion ang pinsala ng mga sakuna sa ating bayan. At sa bawat sakunang dumaan, ang mga mahihirap ang mas nagbabayad – mas maraming buhay at kabuhayan ang nawawala sa kanilang hanay. Dahil dito, hindi sila maka-alpas ng kahirapan. Paulit ulit na lang. At dahil paulit paulit ang pakikibaka kahit hirap, “resilient” na ang tawag sa kanila. Hindi ito resilience, kapanalig, Yan ay pagtitiis. Yan ay sakripisyo. Yan ay pagkatalo. Walang Filipino ang dapat lagi na lamang nakikibaka sa sakuna at hirap.
Kapanalig, pag laging inaasa sa mga balikat ng karaniwang mamamayan ang pagbangon ng pamayanan at bansa, tinatanggal natin ang responsibilidad ng lokal at nasyonal na pamahalaan na bigyang kalinga at tulong ang nasasakupan nila. Ang buwis natin ay nakalaan hindi lamang para sa pagtatayo ng mga imprastraktura. Kasama din dito ang integrasyon ng resilient features, pati na ang emergency at relief funds para sa mga mamamayang nabiktima ng sakuna. Sa kakatayo nating mag-isa, baka nasanay na ang mga pinuno ng bayan na tingnan na lamang tayo. O baka aasa din lamang sila sa donasyon ng mga lokal at internasyonal na organisasyon? May buwis na regular na kinakaltas sa atin. Those taxes should work for us.
Kapanalig, mas magiging resilient din ang mga mamamayan kapag may nakalatag na maayos na social protection program ang bayan. Sabi nga ng isang pag-aaral ng NEDA: the country needs a transformative social protection system that empowers every Filipino to prevent, respond to, and recover from possible shocks. Hindi lamang dapat hanggang emergency relief at post disaster action ang ginagawa ng mga leaders natin. Dapat may social protection ang mga tao para pag dumating ang bagyo at anumang krisis sa buhay, may madudukot sila. Ang nangyayari ngayon kapanalig, parang tayo palagi ang nadudukutan. Ang sakit makita na marangya ang buhay ng ating mga pinuno habang milyong milyong Filipino ang nagdurusa.
Sabi sa Rerum Novarum: “Ang kaligtasan ng mamamayan ay hindi lamang ang unang batas, ito rin ang buong dahilan kung bakit tayo ay may gobyerno. Ayon sa Ebanghelyo, ang layunin ng pamahalaan ay hindi ang kapakinabangan ng namumuno, kundi ng kanyang mga pinagsisilbihan.”
Sumainyo ang Katotohanan.