368 total views
Manatiling positibo sa kabila ng mga pinagdadaanan bunsod ng pandemya.
Ito ang mensahe ng Childfam Possibilities sa mga patuloy na nakakaranas ng pagkalungkot at pagkabahala dahil sa epekto ng pandemya at muling pagtaas ng kaso ng Covid19 sa bansa.
Ayon sa Psychologist na si Ms. Roselle Teodosio,bagamat hindi maisasantabi ang mga suliranin at problema na dala ng pandemya ay dito naman masusubok ang resiliency o katatagan natin bilang isang indibidwal.
Aniya mahalaga ang ating kakayanan na malagpasan ang mga hamon ng buhay lalo na sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon kung saan marami ang nawalan ng trabaho, mahal sa buhay at pagkakataon na magtipon o magkasama-sama.
Sa kabila nito, pinaalalahan ni Teodosio ang bawat isa na iwasan ang tinatawag na ‘Toxic Positivity’ o pagtatanggi sa sarili o sa kapwa na makaranas ng kalungkutan bagamat ito ang totoo na nararamdaman ng isang indidbidwal.
“Malaking kaibahan yan yung toxic positivity at yun pagiging positibo lang kasi nabanggit natin kapag sinabing toxic positivity parang pinagbabawal na makaramdam ng kahit anong negatibo dapat positibo ka lang kahit may suliranin o mayroon mga pinagdadaanan.”paliwanag ni Teodosio sa panayam ng programang Caritas in Action.
“Parang sinasabi na okay ka lang kahit hindi ka naman talaga okay lang parang hindi pwede na magsabi ka ng hindi okay.” Dagdag pa niya.
Aminado ang nasabing Psychologist na mahalaga ang pagdamay sa kapwa ngunit hindi ito dapat mag-resulta sa maling payo o pagbabawal sa isang tao na pigilan ang kanyang nararamdaman sa gitna ng mga pagsubok.
Hinikayat ni Teodosio ang bawat isa na maging “good listener” lalo na sa mga problema na ibinabahagi sa atin ng mahal sa buhay.
“Unang una kapag humingi ng advice saka tayo magbigay. kung hinihingi nya saka natin sabihin yun sa tingin natin na hinihingi nya sa atin kapag tinanong ano ang dapat ko gawin saka tayo magsalita”
“Hindi naman kailangan na meron ka agad solusyon sa mga problema nya” paliwanag pa ni Teodosio.
Batay sa datos ng National Mental Health Program ng Department of Health tumaas ang bilang ng mga nakakaranas depression at suliranin sa mental health dahil sa pandemyang dala ng Covid19 kung saan tinatayang nasa 3.6 milyong pilipino ang nakakaranas nito.
Sa bahagi ng Simbahang katolika ay nagsasagawa na din ng mga programa na naglalayong makapagbigay ng psycho-social assistance at counseling sa mga nakakaranas ng depresyon at labis na kalungkutan.