644 total views
Hinimok ng opisyal ng Radio Veritas ang mamamayan na igalang ang desisyon ng mga Pilipino sa pagpili ng mga lider ng bansa.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual, pangulo ng himpilan kasabay ng pangunguna ni Presindential-runner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa partial unofficial count ng Commission on Elections.
Ayon kay Fr. Pascual, mahalagang kilalanin ang resulta ng halalan sapagkat isa ito sa mga katangian ng isang malayang lipunan.
“Let’s respect the rule of the majority from a relatively peaceful, clean and credible election. That’s appreciation of the democratic ideals of the foundation of sovereign popular will and rule of law,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Batay sa partial unofficial count ng halos 31-milyong boto na ang nakuha ni Marcos Jr. kumpara sa 14.7-milyong boto na nakuna ni Vice President Leni Robredo.
Nangunguna rin ang ka-tandem ni Marcos Jr. sa ikalawang pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 31.3 milyong boto kumpara sa siyam na milyong boto ni Senator Kiko Pangilinan.
Una nang nanawagan ang mga pastol ng simbahang katolika sa mananampalataya na igalang at tanggapin ang magiging resulta ng halalan at hinimok na muling magbuklod para sa pagpapanauli lalo na sa mga nagkaroon ng hidwaan dahil sa pagkakaiba ng mga kandidatong sinuportahan.
Read:
Military Ordinariate, ipinagdarasal na maging tunay na lingcod bayan ang mananalo sa halalan
Sa kasalukuyan patuloy naman ang isinasagawang canvassing ng fourth copy ng election returns ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV sa University of Santo Tomas.
Umaasa ang simbahan na mangibabaw ang katotohanan at katarungan sa isinagawang 2022 national and local elections sa kabila ng mga naiulat na aberya dulot ng mga depektibong Vote Counting Machines.