233 total views
Kapanalig, bigyang puwang naman natin ang mga hinaing ng mga maralita, lalo na ukol sa mga isyung malaki ang epekto at impluwensya sa buhay nila.
Marami sa ating mga kababayang maralita ang hirap maka-access sa mga batayang serbisyo gaya ng health services. Isa sa mga malalaking barrier o hadlang dito ay ang nararanasang disrespeto at pang-aabuso mula sa mga taong dapat ay kumakalinga sa kanila.
Ang “attitude” ng ilang mga mga health care workers ay isa sa mga bagay na nakaka-“intimidate” ng marami sa kanila, lalo na sa aspeto ng maternal care. Marami ang nakakaranas ng diskriminasyon, panghihiya at at pagpapabaya dahil sa iba-ibang salik, mula sa kahirapan ng kliyente at ng pagiging overworked ng mga health care service providers.
Ayon sa isang survey report ng USAID noong 2012, ang phenomenon o pangyayaring ito ay hindi eksklusibo sa mga mahihirap na bansa. Ito ay nangyayari sa mga bansang maykaya din. Ilan sa mga insidente ng disrespeto na nakita ng survey ay physical abuse, non-consented, non-confidential at non-dignified care, at pati detention sa mga health facilities kapag hindi nakapagbayad ang pasyente.
Sa mga ganitong pagkakataon, kapanalig, mas bulnerbale ang maralita. Wala kasi silang choice kundi pumunta sa mga public health facilities kung saan libre ang serbsiyo. Ang masaklap kapanalig, marami ring hinaharap na isyu ang mga public health service providers natin kaya mas bulnerable din sila sa mga “stressful conditions” na nakaka-apekto rin sa kanilang pakikutungo sa mga pasyente.
Kaya nga kapanalig, ang health care system natin ay kailangan ng atensyon. Ayon sa World Health Organization, kailangan ng mas malakas at malawig na suporta mula sa gobyerno at mga development partners upang mas masaliksik pa at mabigyang lunas ang isyu ng disrespeto at pang-aabuso sa mga pasyente. Kailangan din ng mga programa upang maitaas pa ang kalidad ng health care at mabigyan pa ng atensyon ang karapatan ng mga pasyente. Sabay nito, kailangang ding bigyang pokus ang sitwasyon ng health care workers, kung saan marami ang overworked at underpaid.
Kapanalig, ang health care ay ukol sa kabutihan ng tao. Kung ang pasyente at health worker ay hindi nabibigyang dangal, pare-pareho tayong talo. Hindi lamang mas malaking bilang ng sakit, maternal deaths o infant deaths ang ating kakaharapin, kundi isang lipunang lipol sa mga taong walang awa at malasakit sa kapwa.
Ang pagbigay atensyon sa sitwasyon ng pasyente at health care provider ay pagbibigay respeto sa dignidad ng tao. Ito ay pagsasabuhay ng ‘charity at justice’ o pagmamahal at katarungan, na mga mahahalagang prinsipyo ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Gawin nating inspirasyon ang mga kataga mula sa Pacem in Terris: Upang maging maayos ang ating lipunan, nararapat na tayo ay gumalang sa dignidad ng tao na puspos ng pagmamahal, at sa ilalim ng gabay ng katarungan.