47,089 total views
Mga Kapanalig, humupa na ang kontrobersyal na pagdiriwang ng tinatawag na “Wattah Wattah Festival” sa Lungsod ng San Juan.
Halos isang buwan na rin ang nakalipas nang ipagdiwang ito ng mga kababayan natin sa San Juan. Kasama sa tradisyon tuwing sumasapit ang kapistahan ni San Juan Bautista ang basaan ng mga namimiyesta. Iyon nga ay kung namimiyesta ka.
Kaso, nitong huling pagdiriwang ng kapistahan sa San Juan, kasabay ng pagsaboy ng tubig ang pagbuhos ng reklamo ng mga hindi naman namiyesta pero binasa pa rin ng mga residente. Mas naging agresibo na kasi ang mga nambabasâ. Pati mga inosenteng commuters ay hindi pinalampas. Pilit na inakyat ang mga jeep para “binyagan” ang mga nakasakay. Binuksan ang mga kotse at hinarang ang mga naka-motor para sabuyan ng tubig. Hindi lang mga tao ang nababasâ; basâ pati ang kanilang mga gamit, gaya ng mahahalagang papeles, pagkain, at mga gadgets.
At dahil usong-uso ang social media, ginawang content ng ilang residente ang pamamasâ nila ng mga tao. Ang iba, naka-livestream pa ang kasiyahan nila habang binubuhusan ng tubig ang mga walang kamuwang-muwang na napadaan lang at hindi alam ang tungkol sa piyesta ng lungsod. Perwisyo na nga ang hatid ng pambabasâ sa mga tao, isinapubliko pa sila sa internet nang walang permiso.
Siguradong hindi ito aprubado ni San Juan Bautista.
May isang delivery rider na naghain ng pormal na reklamo sa munisipyo ng San Juan. Binasâ kasi siya gamit ang water gun at sa post na kumalat online, kitang-kitang nakadila pa ang nambasâ na parang inaasar ang driver. Mismong ang mayor pa ng San Juan ang kumausap sa nagreklamo at nangakong kikilos ang kanyang opisina para maturuan ng leksyon ang nambasâ. Lumipas ang ilang araw, lumutang ang lalaking nambasâ sa delivery rider. Nagpa-press conference pa ang mayor para sa public apology ng lalaki. Sa hiwalay na okasyon, pinagtagpo sila ng mayor, at siyempre, nasa social media ang paghingi ng tawad ng lalaking nambasâ.
Malaking bahagi ng ating tradisyon ang mga kapistahan, at marami sa mga ito ay nakaugnay sa pananampalatayang Katoliko, gaya ng mga pista para sa isang patron. Hindi nga ba’t sa kredo tuwing Banal na Misa, ipinapahayag natin ang ating pagsampalataya sa “kasamahan ng mga Banal” o “communion of Saints.” Isang pagpapakita ng pahayag na ito ang paggunita sa kanilang kapistahan.
Pero may mga nakasanayang paraan ng pagdiriwang na hindi na angkop sa kabanalan ng mga araw na ito. Ang nakalulungkot, nadudungisan ang dapat sana ay seryoso at taimtim na paggunita. Hindi na natin maiaalis ang kasiyahan gaya ng mga kainan at mga palaro, pero gawin sana natin ang mga ito nang responsable.
Napag-uusapan na rin lang natin ang responsableng pagsasaya, panahon na ring pag-isipan kung paano nakaaapekto sa ating kapaligiran ang mga paraan natin ng pagdiriwang. Gaya ng maraming mahahalagang okasyon sa ating pamayanan, tambak na basura ang bumubungad sa atin kinabukasan. May mga pagkain ding hindi nauubos, napapanis, at kailangang itapon. Sayang! Sa kaso ng basaan sa San Juan, malinaw na malinaw ang pag-aaksaya ng tubig. Napakahalaga ng tubig para sayangin. Tiyak na may iba pang paraan ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista nang hindi nagsasayang ng tubig.
Mga Kapanalig, sa huli, may mas mahalaga kaysa sa mga pistang ito. Sabi nga ng Panginoon sa Amos 5:21-25, “Namumuhi ako sa inyong mga handaan, hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon…Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan; ayoko nang marinig ang inyong mga alpa. Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang ‘di natutuyong batis.”
Sumainyo ang katotohanan.