1,195 total views
Tiniyak ng National Historical Commission of the Philippines na muling maitatayo ang nasunog na Manila Central Post Office Building sa Manila.
Ayon kay NHCP Chairman Dr. Emmanuel Franco Calairo,mahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa ang gusali na unang itinayo noong 1926 alinsunod sa disenyo ni Filipino Architect Juan Arellano katuwang sina Tomas Mapua at Ralph Doane.
“The NHCP, in collaboration with local and national agencies, expresses its commitment to help the Philippine Postal Corporation (PHLPost), in any way, to rehabilitate the damaged edifice,” bahagi ng pahayag ni Calairo.
Unang idineklarang National Historical Landmark ang post office building noong 2012 kasabay ng Plaza Lawton habang noong 1994 ay inilagay din sa gusali ang historical marker nito.
Ayon sa Bureau of Fire Protection nagsimula ang sunog alas 11:41 ng gabi ng May 21 at tumagal ng halos walong oras kung saan itinaas sa general alarm at naideklarang fire under control May 22 ng alas siyete ng umaga.
Unang na-restore ang gusali noong 1946 makaraang lubhang mapinsala ng World War II.
“For the time being, we will give way to the PHLPost in conducting retrieval operations and addressing the basic needs of their people,” saad ng opisyal.
Nilinaw naman ni Manila Mayor Honey Lacuna Pangan na protektado ng batas ang lugar na kinatatayuan ng gusali dahil bukod sa pagiging National Historical Landmark ay ideneklara rin itong Important Cultural Property ng bansa noong 2018.
Una nang umapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church sa mamamayan na pahalagahan ang mga mga gusali at pook na may malaking ambag sa kasaysayan ng bansa at ng bawat Pilipino.