244 total views
Hinamon ng Archdiocese of Cagayan de Oro ang pamahalaan at mga mambabatas na pairalin ang restorative justice sa halip na “vindicative justice” tulad ng muling pagsasabatas ng death penalty sa bansa.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, ito ang nararapat na isulong na alternatibo ng pamahalaan sa halip na patawan ng parusang kamatayan ang mga nagkasala sa lipunan.
“Yung death penalty is not right at gusto namin bigyang diin yung posisyon ng restorative justice, no to death penalty and yes to restorative justice at binibigyan din namin ng diin yung dignidad ng bawat tao, yung dignity muna ang pro-life position tungkol dito sa issue ng death penalty.” pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, umaapela ng pakikiisa at suporta ang Arsobispo sa isinasagawang 21-araw na “Lakbay-Buhay” march-caravan laban sa death penalty sa pangunguna ng multi-sectoral groups, CBCP-NASSA/Philippines,Sangguniang Laiko ng Pilipinas, CBCP-Episcopal Commission on the Laity, Radio Veritas.
Iginiit ni Archbishop Ledesma na hindi lamang mga Senador at mga Kongresista ang dapat na maimulat ang kaisipan tungkol sa usapin kundi maging ang mga mamamayan na patuloy na naniniwalang ang pagbabalik ng parusang kamatayan ang solusyon sa kriminalidad sa lipunan.
“Hindi lamang sa mga Senators pati dun sa ating mga tao mismo para malaman din nila ang kahalagahan ng human dignity para sa lahat…” dagdag pa ni Archbishop Ledesma.
Pinangungunahan ng 14-na-Lakbayistas ang Lakbay-Buhay Pilgrimage na layong himukin ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang mga bayan, probinsya at lalawigan na madaraanan na suportahan ang adbokasiya para sa paninindigan sa buhay laban sa isinusulong na pagbabalik ng parusang kamatayan.
Kinumpirma naman ni Archbishop Ledesma sa Radio Veritas ang inihahandang liham ng arkidiyosesis para sa mga Senador na nagsasaad ng kanilang paninindigan laban sa Death Penalty Bill.
Una nang tiniyak ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na mas lalo pang isusulong ng kumisyon ang kampanya nito laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa kabila ng pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi maipasa sa Senado ang panukalang batas dahil sa 13 mula sa 24 na mga Senador ang hindi sang-ayon dito.
Noong ika-4 ng Mayo 2017, sinimulan ang 21-araw na Lakbay-Buhay pilgrimage March/caravan sa Archdiocese ng Cagayan de Oro na magtatapos sa ika-24 ng Marso sa Senado.
Read: http://www.veritas846.ph/21-araw-na-lakbay-buhay-pilgrimage-suportado-ng-multi-sectoral-groups/