371 total views
Ikinatuwa ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pag-aaral na marami sa mananampalatayang Filipino ang naniniwalang si Hesus ang nasa Banal na Eukaristiya.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Epsicopal Commission on the Laity patunay ito na isinasapuso ng mananampalataya ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo sa Banal na Misa.
“Maganda yung resulta ng survey na 97-percent sa mga Filipino Catholics ang naniniwala sa Real Presence, na talagang si Hesus ang nasa Blessed Sacrament,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ito ang tugon ng obispo sa isinagawang Veritas Truth Survey kung saan lumabas na mayorya sa mga Filipinong Katoliko ang naniniwala kay Hesus sa Eukaristiya.
Sa turo ng Simbahan sa pamamagitan ng ‘transubstantiation,’ nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Kristo ang alak at tinapay.
Subalit ayon kay Bishop Pabillo, malaking hamon din sa Simbahan na abutin ang nalalabing tatlong porsyento na hindi naniniwala sa Presensya ni Kristo sa Eukaristiya.
“Challenge sa Simbahan paano abutin ang 3-percent na siguro nagsisimba pero hindi naniniwala na si Hesus talaga ang kanilang tinatanggap,” ani Bishop Pabillo.
Inihalimbawa ng opisyal ang pananatiling pagsimba ng mga tao sa online masses dahil na rin sa mga restrictions bunsod ng pandemya.
Sinabi nitong bagamat natatanggap si Hesus sa spiritual communion, nararapat ding tandaan na dumating si Hesus sacramentally at materially sa pamamagitan ng Banal na Sakramento.
Dahil dito hamon ni Bishop Pabillo sa mananampalataya na pagsumikapang dumalo sa mga Misa sa simbahan lalo ngayong pinahintulutan ng pamahalaan ang 50 porsyentong kapasidad.
Kung may pag-alinlangan na magsimba tuwing araw ng Linggo, maaaring dumalo ng mga Misa sa ordinaryong araw upang hindi siksikan sa mga simbahan.
Partikular na inaanyahan ni Bishop Pabillo ang bawat isa na dumalo sa Banal na Misa at tumanggap ng Komunyon sa Linggom Hunyo 6, 2021 sapagkat ipagdiriwang ang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo.
“Ngayong Linggo, Corpus Christi, sana pahalagahan natin ang presensya ni Hesus sa Blessed Sacrament, we have to risk to go to the church to receive Communion,” giit ni Bishop Pabillo.
Kasabay nito ang mahigpit na paalalang sundin ang safety health protocol na ipinatupad ng Inter Agency Task Force upang maiwasan ang pagkahawa sa virus.
Isinagawa ang VTS survey sa pagitan ng April 25 hanggang May 25, 2021 gamit ang stratified sample ng 1, 200 respondents sa buong bansa na may +/- 3% margin of error at gamit ang text-based at online data gathering.
Batay sa pag-aaral dalawang porsyento sa mga respondents ang naniniwalang simbolo lamang ang alak at tinapay habang isang porsyento ang hindi tiyak sa kanilang sagot.