505 total views
October 1, 2020-11:30am
Hihintayin ng pamilya ni Rev. Fr. Nomer de Lumen ang resulta ng isasagawang imbestigasyon ng Diyosesis ng Antipolo sa pagkamatay ng pari.
Ayon kay Elpidio de Lumen ang ama ng yumaong pari, patuloy ang kanilang pagdarasal at paghingi ng gabay sa Diyos at sa Mahal na Birhen para sa katotohanan at katarungan ng pagkamatay ni Fr. de Lumen.
“Hihintayin ng aming pamilya ang findings ng committee. Patuloy kaming nagdarasal ng Santo Rosaryo upang gabayan ni Maria na ating Ina,” pahayag ni de Lumen sa Radio Veritas.
Matatandaang binuo ni Bishop Francis De Leon ang AD Hoc committee na mangunguna sa pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng pari.
Sa kautusang inilabas ni Bishop de Leon, itinalaga sina Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco na chairman ng kumite at kabilang sa mga miyembro sina Fr. Ally Barcinal at exorcist Priest Fr. Jeffrey Quintela.
Layunin nitong alamin ang katotohanan sa pagkamatay ni Fr.de Lumen na may ibayong paggalang sa simbahan at dignidad ng pari.
Ikasiyam ng Setyembre ng matagpuan ang bangkay ni Fr. de Lumen sa kanyang silid sa St. John the Baptist Parish Taytay Rizal.
Umaasa ang pamilya de Lumen na lalabas ang katotohanan ng pagkamatay ng pari na unang naiulat na nagpatiwakal kasabay ang apela sa mamamayan nang patuloy na pagdarasal sa kapayapaan ng kaluluwa ni Fr. de Lumen.