252 total views
May 11, 2020, 3:33PM
Nagpaabot ng pasasalamat kay Balanga Bishop Ruperto Santos ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan para sa pagpapahintulot na magamit sa chemotherapy session ng mga batang may cancer sa lalawigan ang retirement home ng mga pari sa diyosesis.
Sa tala, 15 batang may cancer ang pansamantalang pinatuloy sa Residencia Sacerdotal Retirement Home ng mga pari sa Diocese of Balanga kung saan isinagawa ang chemotherapy session sa tulong ng mga doctor at nurse ng Bataan General Hospital and Medical Center.
Ang naging hakbang ay bilang pag-iingat na malantad ang mga bata mula sa COVID-19 virus sapagkat kasalukuyang ginagamit ang naturang ospital para sa mga pasyente na may kaso ng COVID-19.
Samantala, nagkaloob naman ng gamot, pagkain at transportasyon para sa mga batang pasyente si 2nd District Representative Joet Garcia.
Naunang tiniyak ni Bishop Santos na bukas ang Diocese of Balanga na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at maging sa iba pang sektor upang makatulong sa mga apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon sa Obispo, bukas ang mga pasilidad ng buong diyosesis kabilang na ang mga college seminaries, diocesan schools at maging retirement homes ng mga pari hindi lamang upang magsilbing kanlungan ng mga frontliners kundi maging ng mga Persons Under Monitoring (PUM) at Persons Under Investigations (PUI).
“Open ang Diocese kahit kanino basta makatulong we will collaborate and cooperate, lahat open dito lalo na yung aming diocesan schools para sa frontliners at kung may pagkakataon pa rin talagang kasi maraming mga ospital din dito kung kailangan din sa PUMs, PUIs the schools will be open for them and we will open our college seminaries, yung aming retirement home at saka yung diocesan schools…”pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang naunang inilaan ni Bishop Santos at ng mga Pari ng diyosesis ang kanilang monthly allowance para sa buwan ng Marso hanggang Mayo, upang makatulong sa pangangailangan ng kanilang mga kawani at mga apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.
Ang Diocese of Balanga ay mayroong mahigit sa 55 mga Pari na nagsisilbing gabay ng may higit sa 650,000 mga mananampalatayang Katoliko.