4,035 total views
Tinanggap na ng Santo Papa Francisco ang maagang pagretiro ni Bishop Buenaventura Famadico bilang pinunong pastol ng Diocese of San Pablo sa Laguna.
Ito ang inanunsyo ng Vatican nitong September 21 kaugnay na rin sa karamdaman ni Bishop Famadico na kamakailan ay na-confine sa pagamutan dahil sa sakit sa puso.
Kasabay nito itinalaga ni Pope Francis si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang kasalukuyang Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang tagapangasiwa ng diyosesis habang hinihintay ang magiging kapalit ng nagretirong obispo.
Humiling ng panalangin si CBCP Secretary General Bernardo Pantin para sa kagalingan at kalakasan ni Bishop Famadico gayundin ang pamamahalang pastoral ni Bishop Vergara bilang administrator ng diyosesis.
Si Bishop Famadico ay inordinahang pari ng Calapan Oriental Mindoro noong October 25, 1983 habang itinalagang Auxiliary Bishop ng Archdiocese of Lipa noong April 6, 2002.
June 11, 2003 nang hiranging obispo ng Diocese of Gumaca, Quezon kung saan makalipas ang isang dekada ay inilipat sa Diocese of San Pablo.
Kasunod ng pagretiro ni Bishop Famadico nasa anim na diyosesis sa bansa ang sede vacante ang Diocese ng Alaminos, Baguio, Balanga, Gumaca, Ipil at ang San Pablo.