414 total views
Muling isusulong sa 19th Congress of the Philippines ang pagsasabatas sa panukalang kilalanin ang karapatan ng kalikasan.
Ang Senate Bill No. 1097 o Rights of Nature Act of 2019 ay isinulong ni Senator Risa Hontiveros sa 18th Congress na muling isinama ng senador sa kanyang first 10 priority bills para sa pagbubukas ng 19th Congress sa Hulyo 25.
Ang konsepto ng Rights of Nature Bill ay nagmula sa kampanya ng Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) katuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – NASSA/Caritas Philippines upang isulong ang karapatan ng inang kalikasan laban sa labis na pang-aabuso ng mga tao.
Ayon kay Mel Asia, Anti-Mining Campaign program officer ng PMPI, tulad ng mga tao, layunin ng panukalang batas na bigyan ng legal na pagkilala o mga karapatan ang kalikasan.
“Ito ay nagbibigay ng legal entity sa ating nature para hindi siya abusuhin. Para bigyan din natin ng pagtingin na kung ano ‘yung rights na nae-enjoy ng human, sana nae-enjoy din ito ng kalikasan, Halimbawa, ‘yung rights natin na mabuhay, sana ganun din ‘yung nature, meron din siya. Mag-thrive, mag-bloom, sana nirerecognize natin na may ganoong karapatan ang kalikasan,” pahayag ni Asia sa panayam ng Radio Veritas.
Kapag ganap nang naisabatas ang Rights of Nature Bill, inaasahang magbibigay-daan ito upang ang kalikasan, sa pamamagitan ng tao, pamayanan o grupo ay magkaroon ng karapatang makapagsampa ng kaso laban sa mga lumalabag sa mga umiiral na batas.
Sa kasalukuyan, naghahanap pa ng kinatawan ang PMPI upang maisulong muli sa mababang kapulungan ang panukalang batas na noo’y pinangunahan ng dating Quezon City 6th District Representative Congressman Kit Belmonte.
Nakasaad sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na ang relasyon ng tao sa kalikasan ay hindi maaaring ihiwalay sa pakikipag-ugnayan sa kapwa at sa Diyos sapagkat mawawalan ito ng saysay at maituturing na pagpapakitang-tao lamang.