39,059 total views
Mga Kapanalig, tila drama ang nangyaring rigodon sa Senado dalawang araw bago matapos ang second regular session ng 19th Congress.
Bumaba sa pagiging Senate President si Senador Juan Miguel Zubiri. Pinalitan siya ni Senador Francis Escudero. Hinala ni Senador Zubiri, nabigo raw siyang sundin ang ipinagagawa ng mga nasa itaas o ang “powers that be.” Matapos ang halos dalawang taon, nagpasya siyang bitawan ang kanyang puwesto nang makita ang isang sulat na may pirma ng labintatlong senador na suportado ang pagpapatalsik sa kanya.
Sa isang panayam, sinabi pa ng dating Senate president na para din daw siyang pinagtaksilan ng ilan niyang kasamahan sa Mataas na Kapulungan. Noong una, pinadalhan pa nila siya ng mga mensahe ng pagsuporta. Ngunit nang malaman niya kung sinu-sino ang mga pumirma sa petisyong nagpapatalsik sa kanya, naging “heartbroken” daw siya. “From full support to no support,” himutok ni Senador Zubiri.
Bagamat itinanggi niya noon ang mga tangkang alisin siya bilang Senate president, inaasahan na raw niyang mangyayari ito. Hindi raw niya kasi sinunod ang gustong mangyari ng mga nagsusulong ng Charter change sa pamamagitan ng people’s initiative. Loyal daw siya kay Pangulong Bongbong Marcos Jr, pero sa isyu ng Cha-cha, sinubukan daw niyang payuhan ang presidente. Naniniwala siyang “masama” ang Cha-cha at maaaring maging “umpisa… ito ng kaguluhan.” Nanindigan daw siya sa pagiging independent ng Senado.
Pero natuklasang labinlimang kasamahan pala ni Senador Zubiri ang nanawagan ng pagbibitiw niya. Kasama sa kanila sina Senadora Imee Marcos, ang kapatid ng pangulo, at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Kung napanood ninyo sa balita, umiiyak pa si Senador Dela Rosa habang nagbibigay ng kanyang privilege speech si Senador Zubiri. Naniwala pa naman daw ang senador na kasangga niya ang loyalista ni dating Pangulong Duterte hanggang sa huli.
Nagpaliwanag naman si Senador Dela Rosa. Napilitan siyang pumirma sa petisyong nagpaalis kay Senador Zubiri dahil ito raw ang kagustuhan ng kanyang partido. Ibinaling din niya ang sisi sa tinaguriang “artista group” sa senado. Sila raw ang nagtulak ng planong palitan si Senador Zubiri matapos niyang tanggihan ang kahilingan ni Senador Ramon Revilla na dumalo sa mga sesyon nang online dahil sa kanyang foot injury. Naku, baka kung saan pa mapunta ang isyu ng pagre-resign ni Senador Zubiri!
Mistulang hindi kaayaayang mantsa ang ganitong mga pangyayari sa mabuti at dalisay na layunin dapat ng pulitika. Ang mga nasa pulitika—gaya ng ating mga mambabatas at senador—ay kabilang sa mga tinawag na maglingkod sa bansa at sa kanilang mga kababayan. Kaya nga itinuturing na bokasyon ang pagpasok sa pulitika. Sabi pa sa Catholic social teaching na Octogesima Adveniens, pinagtitibay ng mga sumiseryoso sa pulitika ang kanilang tungkulin na kilalanin ang halaga ng trabahong iniatang sa kanila. Nagiging tapat sila sa responsabilidad nilang itaguyod ang kabutihan ng bayan.
Pero kung ang pulitika para sa ating mga pulitiko ay tungkol lamang sa pag-aagawan sa kapangyarihan, masasabi ba nating tunay na pinahahalagahan nila ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila? Kung pagkakampihan, panlilinlang, at pananaksak nang patalikod, ‘ika nga, ang humuhubog sa ugnayan ng mga pulitiko sa isa’t isa, maaasahan ba natin silang magtaguyod ng katotohanan, katarungan, at katapatan? Trabaho, hindi drama, ang unahin sana nila.
Mga Kapanalig, nagiging marumi ang pulitika sa mata ng taumbayan dahil sa mga pulitikong ginagamit ito para sa makikitid o makasariling interes. Gaya ng paalala sa Mga Gawa 20:28, bantayan sana nila ang kanilang mga sarili at ang buong kawan na inilagay sa kanilang pangangasiwa. Kung hindi nila ito magawa para sa kanilang mga sarili, tayong mga nagluklok sa kanila ang dapat gumawa nito.
Sumainyo ang katotohanan.