218 total views
Hinihikayat ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) at RISE Up Network ang publiko na makiisa sa isasagawang misa sa para sa pakikipaglaban para sa buhay at pagtataguyod karapatang pantao laban.
Ayon kay PCPR Spokesperson at RISE Up convenor Nardy Sabino, ang misa ay isasagawa September 21, dakong alas-2 ng hapon sa San Agustin Church Malate Manila.
Pangungunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang misa na dadaluhan din ng mga kaanak ng mga biktima ng extra judicial killings.
Sinabi ni Sabino na sa San Agustin church magtitipon-tipon ang ilang grupo at magma-martsa patungong Luneta kung saan isasagawa ang pagtitipon ng Movement Against Tyranny – para sa paggunita ng ika-45 taong deklarasyon ng Martial Law.
“Nananawagan po ang buong RISE UP ang mga pamilya po na samahan sila sa pagdiriwang ng Banal na Misa para sa pagtatanggol ng buhay, para sa kapayapaan at katarungan sa bayan at palakasin ang tinig at panawagan sa bayan na itigil ang pamamaslang sa bayan. Gayundin ang walang habas yung mga banta ng diktadurya sa bayan,” bahagi ng pahayag ni Sabino, convenor ng Rise UP.
Pinaalalahanan din ng grupo ang mga nais na dumalo na magsuot ng itim na damit, payong, pagkain at tubig.
Ayon kay Sabino, layunin ng kilos protesta na ipaalam sa pamahalaan na tutol ang marami sa mga nagaganap na pagpaslang na may kaugnayan sa droga lalu’t ang mga mahihirap lamang at walang kakayahan na magtanggol sa sarili ang pawang mga biktima.
Sa 13 libong napatay na may kaugnayan sa droga, 4,000 sa mga ito ay napaslang sa mga isinagawang police operations.
Inaasahan ding sasabayan ng mga nagkikilos protesta ang De Profundis Bell, dakong 8 ng gabi – ito ay ang pagpapatunog ng kampana na paanyaya ng Archdiocese of Manila sa bawat simbahan para alalahanin ang lahat ng mga namayapa lalu na ang mga napatay dahil sa karahasan.