174 total views
Nanindigan ang grupong Rise Up na nakatutok at kumakalinga sa kaso ng mga pagpaslang sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga na ipagtanggol ang dignidad at karapatang pantao ng bawat tao.
Ayon kay Rise Up spokesperson Father Gilbert Billena, bilang pagpapahalaga sa kasagraduhan ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon ay patuloy silang maninindigan sa pagpapataas ng kamalayan at pagpapahalaga ng bawat isa sa buhay.
Mariing kinondena ng grupo ang patuloy na “rampant drug-related killings sa sinasabing may kaugnayan sa illegal na droga na pawang mga mahihirap na nagdarahop sa buhay.
“Bilang taong Simbahan at nag-aadbokasiya tayo ng kampanya at pagtatanggol natin sa karapatang pantao at dignidad ng tao ay mariin na tinututulan natin itong walang habas na pamamaslang sa mga dukha at mahihirap na biktima nitong illicit drugs.” pahayag ni Father Billena sa Radio Veritas
Kaugnay nito, nanindigan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address na patuloy na isusulong ng kanyang administrasyon ang nasimulang kampanya laban sa illegal na droga sa kabila ng puna ng mga kritiko at pagkabahala ng international community.
Matatandaang nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang United Nations, European Union at maging ang Estados Unidos sa kalagayang ng karapatang pantao sa Pilipinas kung saan kamakailan lamang ay nagsagawa ng pagdinig ang human rights body ng US House of Representatives kaugnay sa epekto ng Anti-Illegal Drugs Campaign o War on Drugs ng Duterte Administration.
Ayon sa mga mambabatas ng Estados Unidos, naaangkop lamang na suriin ng bansa ang sitwasyon sa Pilipinas upang mabalanse ang diplomatic relation ng dalawang bansa at pagtiyak sa pangangalaga ng karapatang pantao lalo’t ang Pilipinas ang nakatatanggap ng pinakamalaking US Aid sa Silangang Asya.