947 total views
Ikinalungkot ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual na nasa ika-4 na pwesto ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang lubhang apektado ng iba’t ibang sakuna sa loob ng 20 taon.
Ito’y batay sa inilabas na ulat ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction sa paggunita sa International Disaster Risk Reduction Day noong ika-13 ng Oktubre.
Ayon kay Fr. Pascual, ang mga sakunang ito na likha ng kalikasan at ng tao ay nagiging dahilan ng higit pang paghihirap ng mamamayan.
Halimbawa nito ang mga bagyong kadalasang dumadaan sa rehiyon ng Bicol at Samar na nakapagtala ng maraming bilang ng mga nasawi at nasirang mga ari-arian sa mga nakalipas na taon.
“Itong mga combination ng man-made at natural disasters, palatandaan na magpapahirap sa ating bayan tulad ng bagyo na madalas dumadaan dyan sa Bicol, sa Samar, pa’no ka makakasustain ng agriculture dyan? Kaya’t ito ang kalagayan ng ating bansa,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa pari, ang mga lugar na ito ay nahihirapang magpatuloy at magpalago ng agrikultura na pangunahing pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga naninirahan dito.
Hinimok naman ni Fr. Pascual ang pamahalaan na lumikha ng mga paraan at pangmatagalang progama upang maging angkop at maging ligtas ang bansa sa oras na salantain ng mga kalamidad.
“Kaya para mapaglabanan ‘yan, kailangang pag-isipan ng pamahalaan kasama ang [mga] pribadong [sektor], how do we make adjustment sa ating environment para makapag-adapt tayo sa negatibong epekto ng disaster. Napakahalaga sa pamahalaan na talagang magkaroon ng short term tsaka long term plan na ilikas ang mga mahihirap sa mapapanganib na lugar at pag-aralan natin yung agri-sector,” ayon kay Fr. Pascual.
Umaabot sa higit 20 ang dumadaang bagyo sa Pilipinas kada taon na nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga tao. Batay din sa tala ng United Nations, umaabot sa 149 na milyong Filipino ang naapektuhan ng mga sakuna na likha ng kalikasan sa nagdaang dalawang dekada.