9,722 total views
Magsasagawa ng solidarity event ang Friend of Masungi bilang suporta at panawagan para sa Masungi Geopark Project.
Ito ang Rock for Masungi na gaganapin sa Linggo, April 21, 2024 mula alas-singko ng hapon hanggang alas-nuebe ng gabi sa GT Toyota Asian Center Auditorium sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
Layunin ng gawaing paigtingin ang panawagan upang tutulan ang mga planong pagpapahinto sa mga proyekto sa loob ng Masungi Georeserve tulad ng pagbawi ng Department of Environment and Natural Resources sa 2017 Memorandum of Agreement para sa Masungi Geopark Project.
“There are imminent attempts to cancel the project in the midst of our campaigns for environmental enforcement and successes in protecting the area from destructive interests. As we battle the biggest threat to the project yet, we would love to see you there and come together in hope and solidarity,” pahayag ng grupo.
Mula alas-singko ng hapon hanggang alas-sais ng gabi ay isasagawa ang Interfaith Prayer Rally sa pangunguna ng Caritas Philippines, National Council of Churches in the Philippines, Philippine Center for Islam and Democracy, at iba pang organisasyon at denominasyon.
Susundan ito ng mga pagbabahagi mula sa mga nangangalaga sa Masungi Georeserve tulad ng park rangers at mga katutubo na naninirahan sa loob ng Upper Marikina at Kaliwa Watershed sa Rizal.
Gayundin ang live performances mula sa mga kilalang personalidad tulad nina Noel Cabangon, Joey Ayala, at Michael V.
Magtatapos ang gawain sa pamamagitan ng candle lighting ceremony bilang simbolo ng pag-asa at pagkakaisa sa pagdiriwang ng Earth Day sa April 22.
Sa mga nais makibahagi, bisitahin lamang ang Masungi Georeserve facebook page o ang link na ito bit.ly/rock4masungi para makapagregister.