811 total views
Ang Mabuting Balita, 6 Nobyembre 2023 – Lucas 14: 12-14
ROI
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa pinuno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka na. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihin ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”
————
Ang kaibahan ng pagnenegosyo at pagiging Kristiyano ay: sa negosyo, kailangang magkaroon ng ROI (Return on Investment) o Balik sa Puhunan, sa pagiging Kristiyano, kailangang magbigay ng hindi umaasang may kapalit. Ang negosyante kapag nagbibigay, ang iniisip, “Ano ang mahihita ko dito?” at ang Kristiyano kapag nagbibigay, ang iniisip, “Ano pa ang pwede kong ibigay?” Ang napakasikat na salita – PAG-IBIG, ay tungkol lamang sa pagbibigay dahil gusto natin magbigay at walang ibang dahilan.
Ang Pag-ibig ng Diyos ay nilarawan sa Mateo 5: 45: “. . . upang kayo’y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.” Ito ang tawag ng Diyos sa ating lahat na kanyang mga anak.
Diyos Ama, pinasasalamatan ka namin sa pinakadakilang tanda ng iyong pag-ibig na si Jesus!