286 total views
Pangungunahan ng Aid to the Church in Need Philippines ang ikatlong taon ng pakikiisa ng Pilipinas sa pandaigdigang kampanya na “One Million Children Praying the Rosary”.
Partikular na iniaalay ng ACN ang kampanyang ito para sa mga bata na biktima ng digmaan sa Syria, at gayun din sa iba pang bahagi ng mundo, kaya naman ang kabuuang intensyon sa pananalangin ay ang kapayapaan at pagkakaisa ng daigdig.
Ayon kay Jonathan Luciano – National Coordinator ng ACN Philippines, layunin ng taunang pagtitipon na mahikayat ang mga kabataan na manalangin ng Santo Rosaryo.
Naniniwala siya na sa murang edad ng mga bata ay mahalagang naipakikita sa mga ito ang kahalagahan at ang misteryong nagagawa ng pananalangin ng Santo Rosaryo.
“Sa pamamagitan nito somehow nakikita ng mga bata na mahalaga yung pagdarasal ng Santo Rosaryo. Mahalaga na ipakita natin sa kanila yung meaning nitong dasal na to hindi lang ito yung basta inaya mo silang magdasal ng rosary and then you do it repetitively. Pero yung meaning ano ba yung mas malalim na kahulugan ng dasal na ito, at siguro sa pamamagitan nun mas ma-e-encourage pa nating yung mga kabataan.” Pahayag ni Luciano sa Radyo Veritas.
Sa ibang bansa ay ginanap ang “One Million Children Praying the Rosary” campaign noong ika-18 ng Oktubre, subalit sa Pilipinas ay gaganapin ito sa ika-25, sa Don Bosco Technical Institute sa Makati simula alas otso ng umaga, at mapakikinggan ng live sa himpilan ng Radyo Veritas 846 – Ang Radyo ng Simbahan.
Ayon kay Luciano, naghanda ang ACN Philippines ng mga rosaryong binasbasan ng Kanyang Kabanalan Francisco upang ipamigay sa mga batang makikiisa sa pananalangin.
2005 nang magsimula ang kampanya sa pananalangin ng Santo Rosaryo sa Caracas, kapitolyo ng Venezuela.
Noong nakaraang taon, 80 mga bansa ang nakiisa dito, habang 60 mga Diyosesis naman ang nakilahok sa Pilipinas.
Ngayong taon, bukod sa mga simbahan, hinihimok din ang mga paaralan, partikular ang mga Catholic Schools na makiisa at magsagawa ng kanilang programa kaugnay ng One Million Children Praying the Rosary.
Una nang inihayag ni Saint Padre Pio ang mga katagang, “When one million children pray the rosary, the world will change”, kaya naman umaasa ang Aid to the Church in Need na sa pagpapatuloy nito ay makakamit ang pagkakaisa at kapayapaan sa buong mundo.