225 total views
Hindi na kinakailangan pang magdala ng mga pulis ng rosaryo at bibliya sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang upang maging mapayapa ang operasyon laban sa illegal na droga.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa plano ng Philippine National Police na pagdadala ng Rosaryo at Bibliya sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang.
Paliwanag ng Pari, magmimistulan lamang na palabas at props ang planong ito ng PNP na sinasabing naglalayong payapang mapasuko ang mga may kaugnayan sa kalakalan ng illegal na droga.
Giit ni Fr. Secillano, kung talagang nais ng mga pulis ang mapayapang implementasyon ng Oplan Tokhang ay kinakailangan lamang sundin ng mga ito ang mga guidelines na kanila mismong ginawa, tamang proseso sa ilalim ng batas at igalang ang karapatan ng bawat indibidwal maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng droga.
“Unang-una ang reason daw nila kaya magdadala sila ng bibliya at saka rosaryo ay para daw summorender peacefully yung ito-Tokhang nila, so sabi ko naman hindi mo kinakailangan magdala ng rosaryo saka bibliya kasi parang theatrics lang yan. Mahalaga dito yung sundin nalang nila kung ano yung tamang proseso at saka may legal rights din naman ang suspect…” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas
Kaugnay nito, noong Lunes ika-29 ng Enero nang muling ipinatupad ng PNP ang Oplan Tokhang matapos itong itigil noong Oktubre 2017 dahil sa naging madugong operasyon ng mga pulis kung saan batay sa tala ng mga human right advocates ay umabot sa higit 13,000 ang nasawi.
Una na ring nanawagan si CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles sa PNP na hindi na dapat muling maulit ang naging marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at kailangang mahigpit na sundin ang Standard Operating Procedures at mga bagong guideline o panuntunan na itinakda para sa Oplan Tokhang.