359 total views
June 1, 2020, 2:15PM
Ikinatuwa ng International Catholic Migration Commission (ICMC) ang paggawad ng royal pardon sa mga nahatulang Overseas Filipino Workers sa Bahrain.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng ICMC – Asia-Ocenia Working Group at Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), ito ay pagpapakita ng pakikiisa sa pagitan ng mga bansa at pagmamalasakit sa kapwa.
“Ito ay napakagandang halimbawa kung saan ipinakikita yung spirit of compassion and mutual relationship between country; we can apply to be considerate, to be compassionate, to be caring sa mga tao na nasa ating bansa o mga naglilingkod at nagtatrabaho sa ibang bansa,”pahayag ni Bishop sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas na ito ay inspirasyon at nagpapalakas sa kalooban ng pamilya ng mga nahatulan na muling mabigyan ng pagkakataon ang kaanak.
Una nang pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si His Majesty King Hamad Bin Isa Al Khalifa ang pinuno ng Bahrain sa paggawad ng pardon sa labing-anim na OFW na nahatulan sa kanilang bansa.
Sa pahayag naman ni Presidential Assistant on Foreign Affairs and Chief of Presidential Protocol Robert Borje, ang hakbang ng Bahrain sa pagpapalaya sa 154 na mga indibidwal kabilang na ang mga Filipino ay magandang halimbawa ng pagpapakatao.
SECOND CHANCE
Hamon ni Bishop Santos sa mga O-F-W na nagawaran ng royal pardon na iwasto ang mga pagkakamaling nagawa at pahalagahan ang pangalawang pagkakataon na ibinigay.
“Challenge ko rin ito sa mga pardoned na this is their second chance, ito ay pangalawang buhay, pangalawang pagkakataon, na kung may pagkukulang ay itama na at pagbutihin na ang relasyon sa kapwa tao, sa pinagtatrabuahn at sa trabaho,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Tiniyak ni Bishop Santos na patuloy ang ICMC at maging ang CBCP – ECMI sa pagtulong sa mga OFW na nahaharap sa anumang suliranin sa ibayong dagat habang iginagalang ang mga umiiral na batas sa bawat bansang kanilang pinagtatrabahuan.
Batay sa tala ng gobyerno tahanan sa mahigit 60-libong OFW ang Bahrain na binubuo ng mga propesyonal, mga skilled workers at mga household service workers.
Magugunitang sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Bahrain ay nilagdaan ng dalawang bansa ang apat na kasunduan kabilang na ang mga bagong pamumuhunan sa bansa na makalilikha ng mga trabaho.