189 total views
Nanindigan ang National Union of People’s Lawyer na kinakailangang sundin ang rule of law at hindi mag-shortcut ang mga otoridad sa tamang proseso ng paglilitis sa mas pinaigting na kampanya ng kasalukuyang Administrasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.
Ipinaliwanag ni Atty. Josalee Deinla – Asst. Secretary-General for Education ng NUPL, ang bawat mamamayan ay may karapatan na maprotektahan ng batas maging ang mga pinaghihinalaang akusado sa krimen o sangkot sa ilegal na gawain.
“Dapat dumaan sa due process ito yung right to due process ng mga akusado kahit pa pinaghihinalaan kang drug-pusher, cutler, protector may mga karapatan ka pa din, kailangan dumaan sa tamang proseso bago mapatunayan na ikaw ay may sala at mapatawan ng parusa, eh hindi nga yun ang nangyayari dahil ang nakikita natin ay puro shortcut, shortcut and quick-fixes na unfortunately ay labag sa mga karapatan,”pahayag ni Deinla sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, batay sa tala ng Philippine National Police (PNP) mula lamang July 1 hanggang August 2 ng kasalukuyang taon, umaabot na sa kabuuang 565,806 ang mga kusang sumuko sa mga otoridad, nasa 5,418 ang mga naarestong drug suspects, habang umaabot na rin sa 402 ang naitalang namatay sa gitna ng mga operasyon ng mga pulis laban sa illegal na droga.
Nasasaad sa Article III Bill of Rights, Section 1 ng Saligang Batas na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, or ari-arian ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Samantala, una na binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang magbagong buhay.