336 total views
Muling nanawagan sa pamahalaan ang grupo ng mga doktor upang mabigyang-pansin ang sitwasyon ng mga medical frontliners sa bansa hinggil sa patuloy na pag-iral ng coronavirus pandemic.
Sa ginanap na webinar na may paksang “Okay ka pa ba, Dok” na inilunsad ng grupong Community Medicine Practitioners and Advocates, Association (COMPASS), tinalakay dito ang iba’t ibang saloobin ng mga doktor mula sa mga lalawigan at mga pagsubok na kanilang patuloy na hinaharap kasabay ng pandemya.
Ayon kay Dr. Raul Ting ng Tuguegarao City, Cagayan, karamihan sa mga rural health units ay itinigil ang operasyon habang ang mga local health centers naman ay nakakaranas ng kakulangan sa mga testing kits, laboratory centers at mga kagamitan.
Dagdag pa ni Ting na nagreresulta ito ngayon sa pagbibitiw ng mga doktor kasabay ng patuloy na pagdami ng bilang ng mga nahahawaan ng COVID-19.
Ipinaliwanag naman ni OB-GYN Dr. Tess Betonio na karamihan sa mga manganganak na nanay ang hindi nakakakuha ng libreng serbisyo sa mga government hospitals dahil mas binibigyang prayoridad ng mga ospitala ng mga COVID-19 patients.
“Wala nang mapuntahan ang mga manganganak kaya inaabot ng birth delivery sa tricycles,” ayon kay Betonio.
Samantala, sinabi naman ni Medellin, Cebu Municipal Health Officer, Dr. Oliver Gimenez na magmula pa noong nakaraang taon ay nagsimula nang bumili ng anti-hypertensive medicines ang lokal na pamahalaan para sa mga health centers nito dahil hindi nakakapagpadala ng suplay ang Department of Health.
Salungat ito sa inilabas na ulat ng Commission on Audit na ang DOH ay mayroong P2.7-bilyong halaga ng mga unutilized and expired medicines.
Ibinahagi naman ni Dr. Jean Lindo mula sa Davao City ang kanyang naging karanasan sa mga katutubong Haran na magpahanggang-ngayon ay wala pa ring naitatalang kaso ng COVID-19 sa kanilang komunidnad dahil sa pagiging disiplinado ng mga ito sa pagsunod sa health protocols.
Gayunman, karamihan sa mga pasyente sa iba’t ibang komunidad sa Davao ang pumipila sa mga ospital para mabigyang-lunas.
“There is a need for testing kits at the ground level. PPEs should be provided to all health workers from the community front line to the hospital workers. Health protocols and adherence to quarantine measures should be followed,” ayon kay Lindo.
Patuloy pa ring nadaragdagan ang bilang ng mga medical frontliners sa bansa na nagbibitiw sa kanilang mga pwesto dahil sa hirap na dinaranas sa mga ospital bunsod ng patuloy na kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19 at kakulangan sa ibinibigay na karampatang benepisyo mula sa pamahalaan.