5,633 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-31 ng Oktubre 2024
“Say it with flowers” ang marahil isa na sa mga pinakamabisa at totoong pagpapahayag ng saloobin sa lahat ng pagkakataon. Wala ka na talagang sasabihin pa kapag ikaw ay nagbigay ng bulaklak kanino man. Ano man ang okasyon. Buhay man. O patay na.
Mababango at makukulay na bulaklak. Mas maganda at mas mahal, pinakamabuti lalo’t higit kung ibibigay sa sinisinta upang mabatid nilalaman ng dibdib ng isang mangingibig.
Sa buong daigdig, nag-iisang wika at salita ang mga bulaklak na ginagamit upang ihatid ang tuwa at kagalakan sa sino man nagdiriwang ng buhay at tagumpay, maging ng kagalingan at lakas sa may tinitiis na sakit at hilahil. Sari-saring kulay, hugis at anyo, iisa ang pinangungusap ng bulaklak sa lahat ng pagkakataon, buhay at kagalakan at kaisahan ng magkakaibigan at magkasintahan, mag-asawa at mag-anak, magkaano-ano man.
Marahil kasunod nating mga tao, ang mga bulaklak na ang pinakamagagandang nilikha ng Diyos upang ipadama at ilarawan sa atin Kanya at maging atin ding katapatan at kadalisayan ng loobin at hangarin. Alalahanin paalala ni Jesus sa atin, “Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya” (Mt. 6:28, 29).
Kapag ako ay nagkakasal, palagi kong ipinaaalala sa magsing-ibig ang kahulugan ng maraming gayak na bulaklak sa dambana ng simbahan na nagpapahiwatig ng larawan ng Paraiso.
Alalaong baga, bawat Sakramento ng Kasal ay “marriage made in heaven” – malayang ginawa at pinagtibay ng magsing-ibig sa harap ng Diyos at ng Kanyang Bayan sa loob ng simbahan. Kaya wika ko sa kanila, ipagpatuloy ang pagbibigay ng bulaklak sa maybahay kahit hindi anibersaryo, lalo na kapag mayroon silang “lover’s quarrel” bilang tanda ng “ceasefire”.
Kaya naman maski sa kamatayan, mayroon pa ring mga bulaklak na ibinibigay tanda hindi lamang ng pagmamahal kungdi ng pag-asa na harinawa, makapiling na ng yumao ang Diyos at Kanyang mga Banal sa langit. Gayon din naman, dapat katakutan ng sino mang buhay pa ang padalhan ng korona ng patay o bulaklak sa patay dahil babala ito ng masamang balak laban sa kanyang buhay.
Dagdag kaalaman ukol sa mga bulaklak sa patay: isang dahilan kaya pinupuno ng maraming mababangong bulaklak ang pinaglalamayan ng patay ay upang matakpan masamang amoy ng yumao dahil noong unang panahon, wala pa namang maayos na sistema ng pag-eembalsamo maging ng mga gamot para ma-preserve ang labi ng yumao. Kapansin-pansin ngayon lalo sa social media kapag mayroong namamatay, ipinapahayag ng mga naulila na huwag nang magbigay o mag-alay ng mga bulaklak bagkus ay ibigay na lamang sa favorite charity ng yumao. Kundangan kasi ay malaking halaga ng pera ang magagarang bulaklak sa patay; kesa ipambili yamang malalanta rin naman, minamabuti ng mga naulila ng yumao na mag-donate na lamang sa favorite charity ng pumanaw nilang mahal sa buhay.
Marahil ay hindi ito matatanggap hindi lamang ng mga Pilipino kungdi ng karamihan ng tao sa buong mundo; higit pa ring napapahayag ang pakikiramay at pagmamahal sa namatay at mga naulila sa pamamagitan ng bulaklak dahil malalim na katotohanang taglay ng mga ito.
Tuwing Sabado Santo noong nasa parokya pa ako, gustung-gusto ko palagi sa aming umagang panalangin (lauds) na ipinahahayag iyong tagpo ng paglilibing kay Hesus.
Sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus (Juan 19:41-42).
Inilibing si Jesus sa may halamanan, garden sa Inggles. Nagpapahiwatig muli ng Paraiso, hindi ba.
Kay sarap namnamin ng tagpo ng Pasko ng Pagkabuhay ni Jesus doon sa “halamanan” na muli ay paalala sa atin ng “return to Paradise”, “return to Eden” ika nga. Kaya nang lapitan ni Jesus si Magdalena nang umiiyak dahil wala ang Panginoon sa libingan, napagkamalan niya si Jesus bilang hardinero.
Noong Martes, sinabi ni Jesus sa ebanghelyo na ang paghahari ng Diyos ay “Katulad ng isang butil ng mustasa na itinamin ng isang tao sa kanyang halaman” (Lk.13:19).
Bawat isa sa atin ay halamanan ng Diyos, a garden of God. A paradise in ourselves.
Maraming pagkakataon pinababayaan natin ating mga sarili tulad ng halamanang hindi dinidilig ni nililinang. Kung minsan naman, hindi nating maintindihan sa kabila ng ating pangangalaga, tila walang nangyayari sa ating sarili, tulad ng halamanang walang tumubo o lumago, mamunga o mamulaklak sa kabila ng pagaasikaso?
Nguni’t maraming pagkakataon din naman na namumulaklak, nagbubunga tayo tulad ng halamanan dahil ang tunay na lumilinang sa atin ay ang Panginoong Diyos na mapagmahal!
Noong Disyembre 2022, umuwi isa naming dating teacher at kaming magkakaibigan ay nagsama-sama para sa isa pang dati naming kasama sa ICSM-Malolos, si Teacher Ceh.
Umuwi siya mula Bahrain noong 2020 dahil sa cancer at sumailalim siya ng chemotherapy.
Dahil Pasko, niregaluhan ko siya ng orchid.
Enero 2023 namasyal kami sa Tagaytay at napakasaya namin noon. Gustung-gusto niyang pinupuntahan ang Caleruega tuwing umuuwi siya mula Bahrain kung saan siya nagturo matapos mag-resign sa aming diocesan school.
Ang akala namin ay papagaling na si Teacher Ceh at dadalas na aming pagkikitang magkakaibigan mula noong simula ng 2023. Pagkatapos ng huli niyang chemotherapy noong Setyembre, nabatid na mababagsik kanyang cancer cells at hindi nagtagal, pumanaw si Teacher Ceh noong ika-16 ng Oktubre 2023.
Isang araw bago sumapit kanyang babang-luksa, ibinalita sa amin ng kanyang Ate na umuwi mula Amerika na buhay at namumulaklak ang bigay kong orchid kay Teacher Ceh. Dinala niya ito nang magmisa ako sa kanyang puntod kinabukasan para sa kanyang ibis luksa.
Laking tuwa namin sa gitna ng nakakikilabot na pagkamangha nang makita naming magkakaibigan ang regalo kong orchids kay Teacher Ceh.
Isa’t kalahating taon pagkaraan naming huling magsama-samang magkakaibigan, isang taon makalipas ng kanyang pagpanaw, buhay at namulaklak pa rin ang orchid kong bigay sa kanya na tila nangungusap na masayang-masaya, buhay na buhay si Teacher Ceh doon sa langit!
Ako man ay nagtataka. Kung kailan wala na aking Mommy, saka ako nakakabuhay ng mga halaman. Green thumb kasi si Mommy.
Kahit maliit lamang aming lupain, sagana siya sa pananim mula sa mga rosas at orchids, cactus at mga mayana, mga sari-saring halaman sa paso maging papaya, atis, langka, pati kamote at sili sa gilid ng bahay namin ay mayroon siya.
Nakakatawa, ako hindi makabuhay ng halaman. Muntik pa akong bumagsak ng first year high school sa gardening kasi hindi ako makabuhay ng ano mang panananim maliban sa kamote. Sabi ni Mommy sa akin noon, kapag iyong kamote hindi ko pa nabuhay, ako ang talagang kamote!
Nang magkaroon ako ng sariling parokya noong 2011, nakakadalaw pa siya at simba sa amin noon tuwing Linggo. Ipinagyabang ko sa kanya mga alaga kong water plants sa kuwarto ngunit pagkaraan ng ilang buwan, namatay mga iyon. Sabi niya ulit sa akin, “ano ka ba naman anak, water plant na lang napapatay mo pa? Masyadong mainit iyong mga kamay,” aniya.
Isang bagay nakalimutan kong sabihin kay Mommy bago siya mamatay ay nakakabuhay na ako ng water plant sa kuwarto ko sa bago kong assignment sa Fatima Valenzuela.
Ako ay nagugulat sa sarili ko ngunit ngayon ko lamang napagnilayan nang makita ko ang orchids na regalo ko kay Teacher Ceh: apat na taon nang buhay aking mga water plant sa kwarto mula nang malipat ako dito noong 2021.
Parang sinasabi sa akin ng mga alagang kong water plant na marahil, buhay na buhay at tuwang tuwa na rin si Mommy at nakabuhay ako ng halaman.
Kasi sabi niya kasi sa aking noong maliit pa ako, dapat daw marunong akong mag-alaga ng halaman at hayop dahil tanda raw iyon na makakabuhay na rin ako ng tao.
Siguro nga. Kaya ko nang mabuhay maski wala na siya, paalala marahil nitong aking mga halaman. Flowers for you, kaibigan.