273 total views
Mga Kapanalig, noong 2013, masiglang kumilos ang mga samahang pro-life upang bumuo ng tinawag nilang “Catholic Vote”. Ikinampanya nila ang mga kandidatong sumalungat sa Reproductive Health o RH Law. Naglabas rin sila ng listahan ng mga kandidatong hindi dapat iboto dahil sumuporta sila sa naturang batas.
Sa kasalukuyang eleksyon, patuloy ang pagpapaalala ng grupo sa mga katoliko na bumoto para sa buhay. Noong nakaraang linggo, lumabas sa isang pro-life website ang talaan ng kandidatong dating senador at kongresistang bumoto sa RH Law. Malinaw na itinuturing nilang malaking banta ang mga taong ito sa kasagraduhan ng buhay.
Kapansin-pansing may kandidato sa pagkapangulo na wala sa talaang ito, marahil dahil hindi siya naging mambabatas. Ngunit, mga Kapanalig, maaaring ang kandidatong ito ang pinakamatinding banta sa kasagraduhan ng buhay sa ating bansa. Ang pagsuporta niya sa RH Law ang pinakamaliit na paglabag niya sa katuruang Katoliko tungkol rito. Ayon sa isang ulat sa Rappler, bilang alkalde ng isang malaking lungsod, naglaan siya noon ng mga libreng serbisyo para sa vasectomy at ligation. Namigay pa siya ng pera sa mamamayang gumamit ng mga serbisyong ito.
Malala pa rito, masugid siyang tagapagtaguyod ng pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty. Mula 1992, mahigpit na tinutulan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang pagbabalik sa parusang bitay. Nang naibalik ito noong 1997, mabagsik nilang ipinaglaban ang pagtatanggal nito, hanggang sa suspindihin ang death penalty noong 2006. Sa “CBCP statement on the non-restoration of the death penalty,” na bahagi ng katuruang panlipunan ng ating lokal na Simbahan, sinabi ng CBCP na ang pagtutol nila sa pagsasabalik ng parusang kamatayan ay alinsunod sa maawaing mukha ng Panginoon, na hindi kamatayan ang ninanais para sa maysala, kundi ang pagbabagong buhay sa kaniya.
Ayon kay Papa Francisco, sa isang mensahe sa International Commission on the Death Penalty noong 2015, ang parusang kamatayan ay kabaligtaran ng awa ng Diyos.Walang anumang krimeng dapat lapatan ng parusang kamatayan, at walang katarungang nakakamit sa pagkitil ng buhay ninuman, maysala man o wala.
Higit pang nakababahala, mga Kapanalig, ang pagwawalambahala ng kandidatong ito sa mga extrajudicial killings, o ang pagpatay nang walang paglilitis, gaya ng ginagawa ng umano’y “death squad” sa lungsod na dati niyang pinamunuan. Ayon sa isang lihim na ulat na ibinunyag ni Fr. Amado Picardal, Executive Secretary ng CBCP Committee on Basic Ecclesial Communities, mahigit 1,000 na ang pinatay ng “death squad” mula 1998 hanggang 2015. Marami sa kanila ay pinaghihinalaang kriminal, at karamihan ay hindi armado nang paslangin. Mahigit 100 bata ang kasama raw sa mga biktima, at dalawang mamamahayag na kritikal sa naturang kandidato. Labing-apat ang kaso ng napagkamalan lamang.
Noong Mayo 2015, inamin ng kontrobersyal na kandidato na may koneksyon nga siya sa mga death squad. Mabilis itong binawi makaraan ang ilang araw. Biro lang daw. Marahil, biro rin ang binigkas niya noong Pebrero 2009: “If you are doing an illegal activity in my city… for as long as I am the mayor, you are a legitimate target of assassination.”
Wala ni anino tungkol sa mga bagay na ito sa pro-life website na nabanggit kanina. Ang isinusumbat nila sa kandidatong ito ay pambababae, pagmumura sa Santo Papa, at pagsang-ayon sa gay marriage. Samantala, patuloy ang pamamayagpag niya sa mga public opinion surveys.
Mga Kapanalig, tinatawag tayo bilang mga katoliko na ipagtanggol ang buhay. Mas matindi ang panawagan ngayon kaysa noong 2013,ngunit tila mas mahina ang tugonng mga Katolikong nagtataguyod sa kasagraduhan ng buhay. Ilang araw na lamang bago mag-eleksyon, ngunit may panahon pa para ipakita ang pagtutol natin sa kawalan ng pagpapahalaga sa buhay. Pangatawanan natin ang ating pagiging tagasunod sa Panginoon ng Buhay.
Sumainyo ang katotohanan.