298 total views
Pinaalalahanan ng incoming Prefect for the Congregation of the Evangelization of People, Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang mananampalataya na sa gitna ng pagsasaya ay huwag kalimutan ang mamamayan na humaharap sa pagsubok.
Sa misang pinangunahan ng arsobispo sa Missionaries of Charity nitong ika-25 ng Disyembre sinabi nitong dapat alalahanin ang bawat mamamayan bilang paglingap at pakikiisa sa kanilang karanasan.
“Ang ating pagsasaya ay hindi dapat maging daan ng pagkalimot sa mga kapatid nating nahihirapan,” ayon kay Cardinal Tagle.
Sa isang bahagi ng pagdiriwang hiniling ng Kardinal sa halos isanlibong dumalo ang sandaling katahimikan upang ipanalangin ang mga residenteng higit apektado sa pananalasa ng bagyong Ursula sa araw ng Pagsilang ng Batang Hesus.
Ayon kay Cardinal Tagle, habang pinasasalamatan ang Panginoon sa biyayang ipinagkaloob sa bawat isa ay marapat ding alalahanin ang mga biktima ng kalamidad at iba’t ibang uri ng sakuna sa lipunan.
“Habang nagpapasalamat tayo sa Diyos, alalahanin natin ang ating mga kapatid na dinaanan ng bagyo, ang mga humaharap sa pagsubok dahil sa bagyong Ursula,” pagpatuloy ng Kardinal.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Interior and Local Government (DILG) siyam katao na ang nasawi dahil sa bagyo sa Eastern Visayas habang anim na iba pa ang nawawala na patuloy hinahanap sa search and rescue operations.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) 86 na munisipalidad ang nawalan ng suplay ng kuryente lalu na sa Region VI at VIII bunsod ng bagyo habang tinatayang mahigit sa 5, 000 indibidwal ang lumikas para sa kaligtasan.
Dalangin ni Cardinal Tagle ang katiwasayan at kaligtasan ng lahat ng apektado ng bagyo at tiniyak ang pag-asa ng bawat isa kasabay ng pagsilang ni Hesus na pinakamagandang kaloob sa bawat sanilikha.