714 total views
Mga Kapanalig, ramdam na ramdam pa rin natin ang napakainit na panahon. Dahil sa matinding init, nagsimulang ipatupad sa ilang pampublikong paaralan ang half-day classes.1 May ibang paaralan namang nagsasagawa ng hybrid classes.
Noong katapusan ng Abril, naitala ang dangerous heat index sa maraming lugar sa ating bansa. Pumalo ang naramdaman nating init sa pagitan ng 42 at 51 degrees Celsius.2 Ayon sa World Meteorological Organization, mas lalalâ pa ito sa darating na mga buwan dahil sa epekto ng El Niño, o ang abnormal o hindi pangkaraniwang pag-init ng panahon dala ng lubhang pag-init sa Pacific Ocean.3 Nagdadala ito ng mas mainit na temperaturang nagdudulot ng malawakang tagtuyot sa ilang lugar at ng malalakas na pag-ulan naman sa iba. Kapag mainit, pakiramdam natin ay para tayong nasa pugon. Kapag maulan naman, walang patid na ulan naman ang bumabagsak, katulad noong 2009 kung saan tumama sa bansa ang Bagyong Ondoy.
Ang tindi ng dalang mga epekto ng El Niño ay pinalalalâ naman ng climate change. Sinabi sa Country Climate and Development Report ng World Bank noong 2022 na malaki ang epekto ng climate change sa pagdanas natin ng tinatawag na extreme weather conditions. Banta ito sa ekonomiya ng ating bansa at sa kalusugan natin. Minsan na nating nabanggit sa isang editoryal ang lumabas sa survey ng Social Weather Stations na siyam sa bawat sampung Pilipino ang nagsabing nararanasan nila ang epekto ng climate change, katulad ng nakapapasong init ngayon.4
Sa harap ng banta ng El Niño at climate change, masasabing isang positibong hakbang ng kasalukuyang administrasyon ang paglalaan nito ng dagdag na budget para sa mga programa ng Climate Change Commission. Tumaas ng 48% ang kabuuang budget nito ngayong taon. Kung magagamit nang tama ang budget na ito, padadaliin nito ang pagpapatupad ng Climate Change Act of 2009.5 Ilan sa mga prayoridad na programa ng komisyon ay nakatuon sa pagkakaroon ng food security, sapat na tubig, human security, at sustainable energy. Sana ay mayroon ding programa para sa sektor ng edukasyon, lalo na’t hindi biro ang epekto ng mainit na panahon sa pag-aaral ng mga estudyante, katulad ng binanggit natin kanina sa simula. Hindi sana maging mga panandaliang programa ang maiisip at ipatutupad ng ating gobyerno. Kailangan nating makita ang sigasig ng pamahalaan, sa pangunguna ng Climate Change Commission, sa pagbawas sa negatibong epekto ng climate change, lalo na ngayong umiiral ang El Niño.
Kung ang CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace ang tatanungin, mas makatutulong kung magdedeklara ang gobyerno ng climate emergency.6 Hindi na raw sapat ang maliliit at hiwa-hiwalay na mga proyekto. Kung may climate emergency, magkakaroon tayo ng tinatawag na sense of urgency. Wala tayong sasayanging panahon. Ibubuhos ng gobyerno ang atensyon at mas malaking pondo nito para sa tugunan ang mga epekto ng climate change. Ito ang kailangang-kailangan natin. Sabi nga ni Pope Francis, ang kabiguan natin—lalo na ng mga nasa kapangyarihan—na kumilos upang bawasan ang mga sanhi ng pag-init ng ating planeta ay kalupitan sa mahihirap at mga susunod na henerasyon.7
Mga Kapanalig, ang climate change ay patunay na sinasalaula natin ang mundong bumubuhay sa atin, salungat sa ipinapaalala sa atin sa Mga Bilang 35:34 na hindi natin dapat dungisan ang lupaing ating tinitirhan. Ang nakapapasong init na nararanasan natin ngayon at ang mga mapaminsalang bagyong darating sa mga susunod na buwan ay hindi maihihiwalay sa climate change. Wala na bang pag-asa? Mayroon pa, mga Kapanalig. May pag-asa pa kung gagawin natin ang ating responsabilidad, kasama ang pagtiyak na kikilos ang ating mga lingkod-bayan upang hindi pa tayo dumagdag sa pag-init ng ating nag-iisang tahanan.
Sumainyo ang katotohanan.