521 total views
Mga Kapanalig, ang pagkapanalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa nakaraang halalan ay itinuturing ng ilan bilang sukdulan o rurok ng pagbabalik sa kapangyarihan ng kanyang pamilya. Patunay daw ito ng tagumpay ng pamilya Marcos na burahin sa alaala ng mga Pilipino ang isa sa malalagim na yugto sa ating kasaysayan—ang Batas Militar o Martial Law sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos, Sr, ang ama kasalukuyang presidente.
Sa araw na ito, eksaktong limampung taon na ang nakararaan, iprinoklama ng nakatatandang Marcos ang Martial Law. Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081, inilagay niya sa kanyang mga kamay ang lahat ng kapangyarihan bilang tugon sa banta umano ng mga komunista at sa rebelyong nagaganap noon sa Mindanao.
Sa loob ng labing-apat na taon, inabuso ng rehimen ang kapangyarihan nito upang patahimikin ang itinuturing nitong mga kalaban. Mahigit tatlong libong kaso ng extrajudicial killings ang naitala. Nasa 35,000 katao ang tinortyur, at 70,000 ang ipinakulong. Marami ang nawala at hindi na muling nakita pa. Wika nga ni Bishop Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos, ang anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ay isang okasyon upang alalahanin ang libu-libo nating kababayang inialay ang kanilang buhay para sa kapayapaan, kalayaan, at katarungan.
Marami sa atin—lalo na ang mga nakababata—ang hindi na nalalaman ang yugtong ito sa ating kasaysayan. Dulot na rin ng social media at ng perang ibinuhos sa mga troll farms na nagpapakalat ng maling impormasyon at propaganda, may mga Pilipinong napaniwalang “golden age” ang panahong nasa iisang tao lamang ang kapangyarihan. Mapayapa raw ang bansa noong panahon ng Martial Law. May disiplina raw ang mga tao. Hindi rin daw totoo ang mga paglabag sa mga karapatang pantao. Kung may mga namatay o sinaktan man, kasalanan iyon ng mga pasaway at panay ang kontra sa gobyerno. Naninira lang daw ang mga hanggang ngayon ay tumututol sa Batas Militar.
Ngunit hindi dapat mawalan ng loob ang mga hindi nakalilimot. Saad nga sa Mga Kawikaan 10:7, “Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman, ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.” Hangga’t nariyan ang mga tumatanaw sa nakaraan at ipinagtatanggol ang katotohanan laban sa mga pilit bumubura dito, mayroong pag-asa. Hangga’t may mga pumapanig sa katarungan at isinasabuhay ang leksyon ng kasaysayan, laging magniningas ang sulóng iilaw sa landas na tinatahak natin.
Ang pag-alaala sa mga biktima ng malalagim na yugto ng kasayayan, katulad ng Martial Law, ay mahalaga upang magising ang ating konsensya bilang isang bayan. Ang konsensyang ito—kung hihiramin natin ang mga salita ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti—ang babangon sa atin sa harap ng bawat pagnanais ng pangingibabaw at pagkawasak. Hindi ito madali lalo na sa gitna ng pamamayani ng kasinungalingang bumubulag sa napakarami sa atin. Hindi ito maliit na hamon lalo pa’t nariyan lagi ang tuksong kumapit sa pera at suhol kapalit ng ating katapatan sa ikabubuti ng bayan.
Ngayong anibersaryo ng Martial Law, maglaan sana tayo ng panahon hindi lamang upang alalahanin ang mga biktima ng mapang-abusong rehimen. Maging pagkakataon din sana ito upang pagnilayan natin kung tayo, bilang mga mamamayan, ay tunay na nga bang malaya mula sa pananamantala at pagsasantabi.
Mga Kapanalig, sabi nga ng pilosopong si George Santayana, “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.” Maraming masasamang bagay ang nauulit ngayon—karahasan, katiwalian, kasakiman, at kawalang-katarungan—dahil nililimot natn ang ating pinagdaanan noon. Makapangyarihan ang mga nanlilinlang sa taumbayan, ngunit tiyak tayong sa huli, mananaig ang katotohanan at hindi mabubura ninuman ang pinagdaanan ng ayting bayan sa ilalim ng diktadurang Marcos.