696 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga Pilipino na huwag kalimutan ang mga aral na natutuhan sa panahon ng Martial Law.
Ito ang mensahe ng cardinal sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ngayong araw September 21.
Ayon kay Cardinal Advincula dapat itaguyod ng mamamayan ang mga aral upang maiwasang maulit ang madilim na kasaysayan.
“Huwag nawa nating kalimutan ang mga aral mula sa panahon ng Martial Law. Nakita na natin ang liwanag, huwag na tayong bumalik sa dilim,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula ang mga aral tulad ng pagpapahalaga sa dignidad ng tao at pagtatanggol sa mga karapatan gayundin ang pagsusulong ng kapayapaan sa lipunan na walang karahasan.
“Natutuhan nating pahalagahan ang buhay ng tao, itaguyod ang dignidad ng bawat isa at igalang ang karapatang pantao. Natutuhan natin na ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay sa katarungan at kapayapaan. Natutuhan nating ipaglaban ang katotohanan,” giit ni Cardinal Advincula.
Bukod pa ang mga aral na pagpapahalaga sa demokrasya at kapangyarihan ng taumbayan at higit sa lahat ang pananampalataya at pananalig sa Diyos na nagliligtas at nagpapalaya sa mga biktima ng paniniil.
Tiniyak ng simbahan ang patuloy na panalangin para sa pagbubuklod ng bawat Pilipino upang matamo ng bansa ang pag-unlad at pag-iral ang kapayapaan sa pamayanan.