277 total views
Mahalagang ipagpasalamat ng bawat isa ang biyaya ng pananampalataya na ipinagkaloob ng Panginoon sa tao.
Ito ang pahayag ni San Jose Bishop Roberto Mallari kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-5 sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021.
Ayon sa obispo, magandang pagkakataon na pinagdiriwang ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang ‘Taon ng mga Kabataan’ bilang pagbibigay halaga sa gampanin ng kanilang sektor sa pamayanan.
“Napakahalagang bagay na kilalanin natin ngayon yung biyaya gaya ng pananampalataya na tinatanggap natin,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Sa tema ng Year of the Youth na ‘Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered’ hinimok ng Simbahang Katolika ang mga kabataan na maging aktibong kasapi sa bawat komunidad upang makatulong sa pagpapalaganap ng misyon at mga Salita ng Diyos sa bawat mananampalataya.
Hinikayat ang kabataan na gamitin ang talento na ipinagkaloob ng Panginoon sa pakikiisa sa misyon na iniatang ni Hesus sa mga lingkod ng Simbahan, ang hikayatin ang lahat tungo sa kabanalan gamit ang makabagong teknolohiyang madalas ginagamit ng tao.
“Mahalaga na bawat kabataan natin ay humaharap sa Diyos at kumikilala sa napakalaking biyaya na ipinagkaloob sa atin ng Diyos bilang mananampalataya,” dagdag ni Bishop Mallari.
Nataon din sa deklarasyon ng Kalipunan ng mga Obispo sa Taon ng mga Kabataan ang nakatakdang National Youth Day na gaganapin sa ika -23 hanggang 28 ng Abril sa Arkidiyosesis ng Cebu na dadaluhan ang higit 10, 000 kabataan mula sa 86 na mga Arkidiyosesis at Diyosesis sa bansa.