27,211 total views
Inilunsad ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga ang Jubilee Year bilang paggunita sa ika-75 anibersaryong pagkatatag bilang diyosesis.
Ayon kay San Fernando Archbishop Florentino Lavarias malayo na ang narating ng diyosesis pitong dekada ang nakalilipas at patuloy ang paglago ng pananampalataya gayundin ang pagbabahagi ng mga misyonerong pari at obispo na naglilingkod sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at ibayong dagat.
Sinabi ng arsobispo na kaakibat ng pag-unlad ng simbahan ang responsibilidad na tumimo sa puso ng bawat isa ang kaloob na biyaya.
“Ang biyayang ito ay nakita rin naming isang responsibility how, we, the Kapampangan can become channels of the fullness of grace,” pahayag ni Archbishop Lavarias sa panayam ng Radio Veritas.
Nitong December 11 nang pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagdiriwang sa ika-75 anibersaryo sa misang ginanap sa Metropolitan Cathedral of San Fernando kasama si Archbishop Lavarias at Kapampangan bishops na naglilingkod sa iba’t ibang diyosesis.
Tinuran din ni Archbishop Lavarias na bahagi ng paglalakbay ng arkidiyosesis ang pagtanaw sa nakaraan mula nang maihiwalay sa Archdiocese of Manila noong December 11, 1948 kabilang na rito ang mga naunang nangasiwa tulad ni Bishop Cesar Guerrero na nagsilbing unang obispo sa diyosesis.
“As we journey, we bring with us yung kahulugan ng pagiging isang community, bayan ng Diyos, ang challenge ngayon is how to make this celebration a source of inspiration and and encouragement,” dagdag ni Archbishop Lavarias.
Layunin ng arsobispong mapaigting ang pamayanang nagbubuklod alinsunod sa panawagang Synod on Synodality ng Santo Papa Francisco kung saan maayos ang ugnayan ng mga pari, relihiyoso at mga layko.
Kasabay ng paglunsad ng jubilee year ang paggawad ng plenary indulgence sa mananampalataya kaakibat ng pagtanggap ng sakramento ng kumpisal, pagtanggap ng komunyon at pananalangin sa natatanging intensyon ng Santo Papa.
Bukod dito nagtalaga ng pitong pilgrim church ang arkidiyosesis na maaring bisitahin ng mananampalataya lalo na sa loob ng isang taong pagdiriwang ng jubilee year.
Kabilang na rito ang 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐞𝐧𝐭𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐨𝐟 𝐭𝐡𝐞 𝐋𝐨𝐫𝐝 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 sa Batasan, Macabebe; 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 𝐨𝐟 𝐭𝐡𝐞 𝐋𝐨𝐫𝐝’𝐬 𝐀𝐧𝐧𝐮𝐧𝐜𝐢𝐚𝐭𝐢𝐨𝐧 sa San Vicente, Mexico; 𝐀𝐫𝐜𝐡𝐝𝐢𝐨𝐜𝐞𝐬𝐚𝐧 𝐒𝐡𝐫𝐢𝐧𝐞 𝐨𝐟 𝐎𝐮𝐫 𝐋𝐚𝐝𝐲 𝐨𝐟 𝐋𝐨𝐮𝐫𝐝𝐞𝐬 sa Cabetican, Bacolor; 𝐍𝐮𝐞𝐬𝐭𝐫𝐚 𝐒𝐞ñ𝐨𝐫𝐚 𝐝𝐞𝐥 𝐂𝐚𝐫𝐦𝐞𝐧 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 sa Pulungmasle, Guagua; 𝐎𝐮𝐫 𝐋𝐚𝐝𝐲 𝐨𝐟 𝐅𝐚𝐭𝐢𝐦𝐚 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 sa Hensonville Subdivision, Angeles City; 𝐍𝐮𝐞𝐬𝐭𝐫𝐚 𝐒𝐞ñ𝐨𝐫𝐚 𝐝𝐞𝐥𝐚 𝐃𝐢𝐯𝐢𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐬𝐭𝐨𝐫𝐚 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 sa Balucuc, Apalit; at, 𝐎𝐮𝐫 𝐋𝐚𝐝𝐲 𝐨𝐟 𝐒𝐨𝐫𝐫𝐨𝐰𝐬 𝐏𝐚𝐫𝐢𝐬𝐡 sa Dolores, Xevera, Mabalacat City.
Dumalo rin sa pagtitipon si CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, San Fernando Archbishop Emeritus Paciano Aniceto, at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.