172 total views
Ikinatuwa ni Tagbilaran Bishop Alberto uy ang aktibong pakikiisa ng mga Overseas Filipino Workers sa mga gawaing pang-simbahan sa Hongkong sa kabila ng patuloy na kaguluhan at banta sa kaligtasan ng mamamayan.
Ayon kay Bishop Uy, ito ay nagpapatunay lamang ng pananampalataya at pagtitiwala ng mga Filipino sa Panginoon.
“It is so heartwarming to see many of them who came to join despite the social unrest that Hong Kong right now is suffering. This speaks a lot of the Filipino courage and deep faith in God,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Ito ay pagpapahayag din ng pagnanais na mapakinggan ang mabuting balita ng Panginoon hinggil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
Ayon pa kay Bishop Uy, malawak ang kamalayan ng mga migranteng Filipino sa Hongkong hinggil sa misyon bilang Kristiyano sapagkat nauunawaan nitong bukod sa paghahanapbuhay ay tungkulin din nitong ibahagi sa kapwa ang biyaya ng pananampalataya.
“I am happy to tell you that in some OFWs here in Hong Kong, there is a growing awareness of their missionary roles. Somehow they (OFW) understand that they are here not only to work and find a living but also to share the gift of the Christian faith. They see their presence here as part of God’s will, as their vocation for mission.”
Kasalukuyang nasa Hongkong si Bishop Uy upang magbigay ng spiritual retreat sa mga kasapi ng Oasis of Love community kung saan tiniyak nito ang kaligtasan ng bawat dumalo sa pagtitipon dahil na rin sa nagpapatuloy na kaguluhan sa lugar bunsod ng mga kilos protesta laban sa kanilang pamahalaan.
Hinikayat din ni Bishop Uy ang mga OFW sa lugar na sundin ang bawat panawagan ng konsulado ng Pilipinas para na rin sa kanilang kaligtasan tulad ng paalala ng migrants ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maging alerto at manatili lamang sa mga tahanan kung hindi mahalaga ang mga pupuntahan.
“We also advise them to heed the call of our Department of Foreign Affairs “to stay alert and avoid areas of protest, and to refrain from wearing or carrying anything that could mistakenly identify them as part of the protest action,” ani ni Bishop Uy.
Sa tala ng pamahalaan humigit kumulang 200, 000 ang mga OFW sa Hongkong na patuloy binabantayan ng konsulado upang matiyak ang kaligtasan mula sa karahasang nagaganap.
Masaya ring ibinahagi ni Bishop Uy ang karanasan ng ilang OFW kung saan nahikayat ang mga employer na magpabinyag sa Katolisismo dahil sa ipinakikitang kabutihang taglay at matatag na pananampalataya ng mga Filipino sa pamamagitan ng mga panalangin.