204 total views
Hinimok ni Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ang mga lingkod ng Simbahan at mga taong nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan na magpatuloy sa pagsusulong ng Adbokasiya.
Ito ay sa kabila ng pagpapaalis sa bansa sa Australian Missionary na si Sr. Patricia Fox na tatlong dekadang naglingkod sa mga mahihirap na mamamayan sa Pilipinas.
“Sana itong nangyari kay Sr. Pat mas lalong magpalakas sa ating loob na tama ang ating ginagawa kasi maliwanag yung sinabi ni Hesus Blessed are you when you are persecuted when people said things against you because of the Good News,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ayon kay Pabillo hindi dapat magpatinag ang mga lumalaban sa maling polisiya ng pamahalaan sa kabila ng karanasan ng madre sa halip ay ipagpatuloy ang pagtulong sa nangangailangan lalu na sa mga katutubo at nakararanas ng pang-aabuso.
“Hindi sana sila manghina sa paggawa para sa justice, pagsalita para sa katotohanan,” dagdag ng Obispo.
Paliwanag ni Bishop Pabillo na ang karanasan ni Sr. Fox ay isang mensahe sa mga misyonero na tumutupad sa misyong iniatang ng Simbahan na palaganapin ang mga turo at gawain ni Hesus sa bawat mananampalataya lalo na sa mga naisasantabi.
Paalala ng kaniyang kabanalan Francisco sa mga lingkod ng Simbahan na dapat nakahanda ang bawat isa na sumusunod sa yapak ni Hesukristo at makaranas ng pang-uusig bilang mga tapat na tagasunod.