332 total views
Mga Kapanalig, ilang oras lamang matapos ang huling SONA ni Pangulong Duterte noong nakaraang Lunes, isang makasaysayang balita ang ating natanggap nang makamit ng Pilipinas ang kauna-unahang gold medal nito mula nang sumali tayo sa Olympics noong 1924.
Nangyari ito sa pamamagitan ng ipinamalas na galing at lakas ng Pilipinang weightlifter na si Hidilyn Diaz. Inulan ng papuri ang atletang laking-Zamboanga nang talunin niya ang walo pang ibang atleta sa weightlifting, kabilang ang world record holder na galing China. Talaga namang galak at tuwa ang hatid sa buong bansa ng makasaysayang tagumpay ng ating babaeng atleta at ang kanyang kahanga-hangang lakas at determinasyon.
Sa dinami-rami ng mga pagsubok na pinagdaanan ni Hidilyn bago makamit ang kanyang makasaysayang panalo, sinong mag-aakalang isa rito ang pagkakadawit niya sa isang matrix na inilabas ng Malacañang noong 2019? Gaya ng mga biktima ng red-tagging, minsan ding naging biktima si Hidilyn ng walang basehang paratang ng pamahalaan nang mapabilang ang pangalan ng atleta sa “oust-Duterte” matrix ng Palasyo. Naglalaman ang nasabing diagram ng mga ugnayan o pagsasabwatan umano ng iba’t ibang mga indibidwal, grupo, at organisasyon para patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte. Mariing nilinaw ng atleta at ng iba pang personalidad na nadamay dito na walang basehan ang matrix na iyon.
Nang muling lumutang ang isyung ito pagkatapos ng pagkakapanalo ni Hidilyn, imbis na humingi ng paumanhin, itinanggi pa ng Palasyo ang pagkakadawit ng atleta sa iprinesenta nitong matrix. Sinabi ng dating tagapagsalita ng pangulo at ngayon ay chief presidential legal counsel na si Salvador Panelo, hindi siya hihingi ng paumanhin dahil wala raw siyang kinalaman sa nasabing matrix. Isinapubliko lang naman niya raw iyon dahil iniutos ni Pangulong Duterte. Wala ring kinahinatnan ang diagram na inilabas ni Panelo at kalauna’y inamin niyang hindi naberipikang maigi ang matrix. Ang mensahe naman ni Pangulong Duterte kay Hidilyn: “let bygones be bygones.” Kalimutan na raw ng atleta kung anuman ang hindi magandang nangyari dahil sa matrix.
Nakababahala at delikado ang pagpaparatang ng pamahalaan nang wala namang matibay at malinaw na ebidensya. Maliban sa batikos at katakut-takot na pagbabanta mula sa mga tagasuporta ni Pangulong Duterte, napagbintangan ding kasapi ng NPA ang ama ni Hidilyn dahil sa maling pagkakasangkot ng anak sa matrix. Labis na nakaapekto ang maling paratang ng pamahalaan sa kanyang reputasyon, sa kanyang pamilya, at lalo na sa career niya bilang atleta. Sa kabila ng lahat, napatawad na raw ni Hidilyn ang mga taong nagbintang sa kanya at sa kanyang pamilya, ngunit hiling niyang maging mapanuri na sana ang mga tao lalo na sa mga nababasa sa social media.
Tandaan natin ang paalala ng Panginoon sa Zacarias 8:16-17: “magsabi kayo ng totoo… Humatol kayo nang tama para sa ikabubuti ng lahat. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.” Bilang mga opisyal ng gobyerno, dapat na mas lalong nakabatay sa matibay na ebidensya ang mga impormasyong ipinalalabas nila. Nakalulungkot at nakadidismayang hindi na nga maibigay sa ating mga atleta ang buong suportang lubos nilang kailangan, gawa-gawang akusasyon pa ang idaragdag ng pamahalaan sa balikat ng mga katulad ni Hidilyn na nagdadala ng karangalan para sa bansa.
Mga Kapanalig, aral ito para sa ating lahat, lalo na para sa ating mga opisyal ng pamahalaan na tahakin ang daan tungo sa katotohanan. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na tungkulin nating igalang ang katotohanan at maging responsableng saksi sa kung ano ang tama. Magbubunga ng kaayusan at ng isang lipunang may paggalang sa dignidad ng bawat isa kung tayo—lalo na ang mga namumuno sa atin—ay namumuhay batay sa katotohanan.